Sa Pagdating ng Musa

gabi'y malalim na
pero diwa ko'y mulat pa
kahit saglit di maaaring maidlip
marami pang kailangan gawin
marami pang dapat tapusin

wala kasing nagawa
buong araw lang nakatunganga
maraming oras ang hinayaang lumipas
sa pagtangan ng bolpen
sa pagtitig sa blangkong papel

hawak man ang buhay nito
pluma'y di makontrol
anuman ang gawin
tinta'y di magawang isalin
nagsusuka ng mga letra
ngunit walang nabubuong salita
anumang subok
walang pangungusap na nahuhubog
nabibitin na lang sa hangin
ang mga nais sabihin
ni hindi magawang isalin
mga nais bigkasin
namimilipit na sa sakit
ulo sa kaiisip
unit-unti nang nangangawit
kamay na nakapinid
ngunit naghihintay pa rin
papel na mabigyang-pansin

maya-maya'y napatigil
napahinga nang malalim
di naman kailangan arukin
matatayog na bituin
kailangan lamang hawiin
mga ideyang nakabitin sa hangin

magsusuka ulit ng mga letra
upang makahabi ng mga salita
muling susubok
upang pangungusap ay mahubog
handa na akong kumatha

Popular Posts