City Hall

Bukod sa UP, may isang lugar dito sa Baguio na masasabi kong kabisado ko na.

Mula sa pinakaunang journalism subject, tambay na ako dito para mangalap ng balita. Dahil sa iba pang journ subjects, naging mas regular pa ako sa lugar na ito. Siyempre kasama ang mga kaparehong journ majors.

Nalaman kung saan unang lalapit para makuha ang kailangan. Nakabisa ang mga opisinang pagkukunan ng mga papeles. Nakilala ang mga taong dapat kausapin. Nakilala ang mga masusungit na empleyado. Nakakilala ng mabuting empleyado na di naglaon ay naging "koneksiyon" upang mapadali ang mga dapat gawin sa lugar. Nakasalamuha ang iba't ibang tao. Nakapanayam ang mga opisyales. Naghagilap ng mga taong laging wala sa opisina. Naghintay. Nabagot. Napagastos sa photocopy. Nasungitan. Pinabalik. Pinaakyat. Pinababa. Kinausap si ganto. Pinuntahan si ganyan. Naghintay ulit. Naglunch break. Nagpahangin. At pinabalik ulit sa ibang araw.

At sa aking pagbabalik dito, matapos ang maraming buwan na hindi ako napunta dito, wala pa ring pagbabago sa sistema dito.

Mabagal pa rin ang usad ng mga bagay-bagay. Siguradong babalik- balikan mo talaga ang lugar na ito dahil malabong makukuha mo agad ang kailangan mo. Masuwerte ka na kung matatapos mo agad ang nilalakad mo nang kalahating araw o isang araw kaya.

Sa lugar na ito, busy lahat ng tao. Iba-iba nga lang ang pinagkakaabalahan. May mga busy sa tungkulin, yung iba na nawawala-wala sa opisina, ewan kung anong pinagkakaabalahan. Kaya di agad naaasikaso ang mga taong nagpupunta dito.

Ang technique lang, wag na mag-abalang dumaan sa information dahil lagi namang walang tao dun. Wag ring magtanong sa PIO, baka di pa sila updated sa mga mangyayari/nangyayari.

Marami ka bang kailangang interbyuhin? Kailangan ibigay mo muna ang gist ng kailangan mo sa bawat taong kakausapin dahil baka hindi pa niya alam yung kinumpirma sayo ng una mong ininterbyu na nasa kabilang opisina lamang.

Pumunta ka dun ng mga alas diyes, dahil karamihan ay sa oras na yun pa lamang nagsisidatingan. Sa hapon naman, ala una. wag mong babalakin na alas tres, sabog, pauwi na ang mga tao nun.

Ganun na talaga siguro ang kalakaran sa mga lugar na ganto, hindi lang dito sa Baguio. At ang mga taong tulad ko ang kailangang mag-adopt. Ako nga naman ang may kailangan sa kanila.

Popular Posts