License Expired

Ngayong araw ang expiration date ng lisensya ko sa pagtira sa Baguio.

Pero wala pa rin akong balak bumaba sa amin upang magpahinga o tumambay o lumuwas kaya ng Maynila upang doon maghanap ng kapalaran.

Nung nakaraang lingo lang, halos mabaliw ako sa kakaisip kung tatanggapin ko ba ang trabahong nakahain na sa aking harapan. Maganda ang posisyon at mabubuhay na rin naman ako sa sahod mula dito. Ngunit sadya atang di yun ang linya ko dahil kahit anong gawin ko, di ko mapilit ang sarili na tanggapin na iyon at nang maging kabawasan man lang ako sa 14 milyong walang trabaho sa bansa.

At ngayon nga, back to zero na naman ako. Pag di ako natanggap sa dalawang huling kumpanyang pinagpasahan ko ng aking resume, babay Baguio na. Pero di ko sigurado kung saan ako pupulutin after. Basta, ayoko munang bumaba sa amin. Ayokong umuwing loser.

Binigyan ko na ng ultimatum ang sarili ko. Dalawa hanggang tatlong lingo pa. Pag wala pa akong nahanap na pambuhay sa sarili, tuluyan ko nang iiwan ang Baguio. Nakakalungkot pero baka nga wala dito ang aking kapalaran.

Ang totoo niyan, ni wala na akong perang pambayad sa upa ng bahay. kaya naman kinapalan ko na ang aking mukha na makituloy sa bahay ng isang kapatid. Buti na lamang at ang taong ito'y sadyang may ginintuang puso, hehe. (Salamat nang marami Kuki!). Pumayag siyang kupkupin kami -ako at isa pang kaibigang pagala-gala at patambay-tambay dito sa siyudad.

May jinx nga talaga ata sa aming dalawa (Si Sen ang may history ng jinx. Dapat talaga hindi ako dumidikit sa kanya eh. :D). Kanina, naantala pa ang paglilipat namin ng mga gamit dahil may naatrasang bata yung taxi na inarkila namin. Nung naglalakad kami papuntang town, muntik na naman kaming mahulugan ng mga gamit na dala-dala nung mamang nasa harapan lamang namin.

Pero buhay pa rin naman ako. Masyado lang siguro akong mahal ni God para bigyan ng mga ganitong challenges. :) Lord God strong ako pero wag niyo naman po akong masyadong subukan, baka bumigay din ako, malapit na...hehe. Baliw.

Good luck is what I badly need.

Popular Posts