Kailan Maaabot ang Langit?

Bigla ko na lang hinanap sa Youtube ang Muntik Nang Maabot ang Langit ng True Faith at paulit-ulit na pinatugtog habang ineenjoy ang inimbentong foot spa. Basag na naman ako. Iba na naman ang trip.


Buong weekend di ako lumabas ng bahay. Ang pinakamalayo ko ng narating ay ang kapitalistang sari-sari store sa kabilang bahay nang ako'y bumili ng de lata at itlog dahil hindi natutuwa ang dila ko sa lasa ng skinless longganisa na siya na lamang laman ng ref.

Literal na nakakulong ako sa loob ng bahay dahil naka padlock ang main gate at lahat ng pintuan papasok sa bahay.

Aba, mabuti nang nag-iingat kesa mapagtripan ng masasamang loob na dumaan dito. Hindi ko pa naman to bahay at nakikitira lang ako. Ang masama lang sa gantong sitwasyon ay tuwing nakakaligtaan ko kung saan ko inilagay ang mga susi. Ayun, bale pag nagkasunog, malilitson ako dahil walang fire exit.

Kaninang tanghali. Nagpapahinga ako nang ginulantang ako ng busina ng kung ano mang sasakyan mula sa labas. Pagbukas ko ng pintuan, KFC delivery at iminuwestra ng delivery boy sa akin ang bucket meal na nasa motor na kung makabusina'y parang ten wheeler sa lakas. Sumenyas ako na hindi ako umorder pero binanggit niya ang house number ng bahay at iyon nga ang tinitirhan ko. Sumigaw lang ako mula sa kinaroroonan ko upang tanungin ang pangalan ng umorder dahil nakalock ang gate at tinatamad akong pagbuksan siya. Lalo akong nagulat sa sinabi niyang pangalan na katunog ng pangalan ko. Pinaghintay ko nang medyo matagal ang delivery boy sa labas habang hinahanap ang mga susi. Paglapit ko sa kanya at pagkapaliwanag na di ako umoorder ng kahit ano at malamang wala rin magpapadeliver para sa akin, aba at pinatext sa akin ni kuya yung numero ng customer na umorder, na later ay lumabas din; sa kapitbahay pala. Ewan kung bakit kasi ibang address ang binigay. Wala lang. Makwento lang. Buti gising na ako kanina dahil kung busina pa ang gigising sa akin, hindi talaga ako babangon.

Kung tutuusin maaga ako gumising kanina, alas nwebe, kumpara sa normal na paggising ko na alas diyes. Sabi nga ng kabahay ko, nakapasok na siya sa klase at nakauwi na ng bahay, ang sarap pa rin ng tulog ko.

Bale dalawang beses sa isang araw na lang ako nakakakain. Brunch at dinner. kung tutuusin dapat matuwa ako dahil una, nakakatipid ako at pangalawa, nababawasan pa ang kakainin ko na makakadagdag pa sa timbang ko. Oo, gusto ko magbawas ng timbang pero ewan ko kung paano. Nag-aaya ako mag-jog pero ako naman tong tinatanghali ng gising.

Nung mga nakaraang lingo, buhay baboy ako. TV, internet, PC games, play station, kain, shot, tulog. Pag lumalabas ng bahay, gumagala lang. Ang tamad ko. Sobra.

Ni hindi nga ako naghahanap ng trabaho eh. Nakakatamad kasi. Yung mga gusto mong gawin, ang hirap makamit. Ang mapupunta sa'yo yung hindi mo gusto. Kahit maayos ang sweldo, di mo matatagalan dahil di ka natutuwa sa ginagawa mo. Tulad ngayon, may offer sa akin, kaso call girl na naman. Gusto ko na nga kagatin. Kahit ano na, dahil nahiya na rin ako sa sarili ko sa pagiging tambay samantalang ang mga kasabayan ko ay ineenjoy na ngayon ang benefits ng mga trabaho nila. Napapaalis na nga ako sa Baguio nang dahil dito.

Hindi na nga ako nagpaparamdam sa pamilya ko. Ayoko nang ibahagi sa kanila ang mga kabiguan ko dahil makakadagdag lang ako sa problema nila.

Napapaisip tuloy ako. Dahil habang lumilipas ang oras, ang mga araw, lalong nababawasan ang panahon na binigay ko sa sarili para magtrabaho at nang makapag-retire nang maaga. Yan naman ang napapala ng futuristic. Sabagay, kasalanan ko rin. Kasi puro lang ako plano. Kulang sa aksyon.

Ang drama ko. Ito ang resulta ng kawalan ng magawa dahil mag-isa sa bahay. Sa ngayon nga, may umaaalulong na mga aso sa background at natetempt akong pakinggan ang Gloomy Sunday na never ko pa narinig. Pero baka magmukhang suicide note ang blog na ito.

Popular Posts