Ako Ang Iyong Konsensya

Wala akong konsensya. Ito ang madalas sabihin ko sa mga kasama ko sa organisasyon tuwing gagawa ng desisyon o aksyon na nangangailangan ng "konsensya." Mali ako, meron pala ko nito. Ito ang patunay.

Kahapon pag-uwi galing sa trabaho, tulad ng madalas mangyari, naiba na naman ang mga nauna ko nang pinlano.

Pupunta sana ako sa supermarket para bumili ng suplay ng pagkain dahil hindi nakapag-grocery nung weekend. Habang nasa bus ay bigla na lang naisip na pwede naman bumili na lang sa convenience store na mas malapit. Yung mga wala doon, sa weekend na lang lumabas para bumili. Para hindi tulog ng tulog pag Sabado at Linggo.

Napa-wow ako sa sarili dahil marunong na kong magkontrol ng urges kahit paano. Kapag kasi nasa mall ako, madalas napapabili ako ng mga bagay na hindi ko naman kailangan. Impulse buyer kaya pag napipigilan ako ang sarili na wag pumunta sa mall, eh di ayos!

Isipin na lang yung matitipid sa pamasahe at mga bagay na di naman kelangan pero pag nakita ay bibilhin. Natututo na sa buhay kahit paano.

Ganun siguro pag pinaghihirapan mo na yung pera mo. Bawat sentimong gagastusin ay pipilitin mong tipirin. Dati kasi kahit alam nang pawis at dugo ang puhunan ng mga magulang para lang mapadalhan ka ng pera, gastos pa rin ng gastos. Walang pagpapahalaga sa alawans, hindi naman kasi alam kung pano iyon pinaghirapan ng mga magulang. Ginawa na ngang joke yun ng isa kong kabahay nung nag-aaral pa kami.

Tuwing may inuman sa bahay, hindi mawawala ang rule na "Bawal Sumuka." "Hoy, pinaghirapan yan ng mga magulang niyo! Kaya wag niyong isusuka." Ito ang madalas sabihin ng kabahay ko tuwing may tamado na sa inuman. Biro, pero totoo. Tuald ng maraming estudyante, ganun rin naman ako. Manginginom, gamit ang pera ng mga magulang.

Sakit ko rin ang impulsive buying. Mahilig akong mamili ng mga bagay-bagay na magustuhan ko. Kahit pa hindi ko naman talaga yan magagamit, basta mapasakamay ko lang. Kaya ako rin ang nahihirapan kapag sinusumpong na naman ako ng isa ko pang kakaibang sakit- ang paglipat ng bahay.

Tuwing nag-eempake ako ng mga gamit kapag maglilipat ako ng bahay (halos every sem tol), saka ko lang nari-realize an andami-andami kong abubot na nakatambak lang naman sa sulok. At saka tinatanong ang sarili kung ba’t ba kasi nabili yung mga bagay na yun, eh hindi rin naman nagagamit. Oh bakit may ganito pala ako, nakatago lang naman. Yung mga anik-anik na pandispley sa mesa, di naman nakakatulong, nakakadagdag pa madalas sa mga nililinisan. Pagkaempake ng lahat, parang pang-tatlong tao ang mag gamit ko.

Pagkababa ng bus, naisip kong bumili ng ihaw-ihaw sa kanto para ulamin. Pumipili pa lang ako ng ipapaihaw nang biglang may dumaan na bata, gusgusin ito at aburido habang sinusundan ang isang ale, nanay yata niya. Siguro nagpapabili ng pagkaina ang bata at ayaw pagbigyan.

Namalayan ko na lamang na paalis na ako mula sa kinatatayuan at tinatahak ang daan pauwi. Ano ba yan, ang arte! Kaninang umaga pa ako ganito ah, masyadong sensitibo. Siguro dadatnan na naman ako. Sabi kasi ng blockmate ko na katext ko kagabi, malapit na daw siyang datnan kasi napakasentibo niya. Nun ko lang din nalaman na ganun pala yun. Pero feeling ko sakin, bigla-bigla lang sinusumpong.

Nung umaga kasi, nasa dyip ako papasok sa trabaho, biglang napako ang atensyon ko sa lalaking nasa tapat ko. Napansin ko kasi ang payat ng braso. Eh di tiningnan ko ang kabuuan niya, mula sa patpating paa hanggang sa humpak na mukha. Halos buto’t balat na nga siya.

Kung ganun lamang ako kapayat eh di sana nagkakasya pa sakin ang mga luma kong pantalon. Pero habang tinitingnan ko siya ay parang ako ang nanghihina. Pag ganun ako kapayat, hindi siguro ako makakapagtrabaho dahil parang wala na akong pagkukuhanan ng lakas. Hindi pa kasi ako naging ganun kapayat.

Hindi kaya siya nanghihinang kumilos kasi parang wala na siyang laman. Maysakit kaya siya? O sadyang hindi lamang nakakakain nang maayos. Oh ayan, pinoproblema ko kung pano tatabasin ang sobrang taba sa katawan samantalang may mga taong halos wala nang makain kaya namamayat nang kusa.

Sa mga ganitong pagkakataon, di ko talaga maatim na maglustay ng pera. Di ko kasi maiwasang isipin na heto ako nagpapakabusog samantalang may mga namamatay sa gutom. Alam kong hindi naman sila mabubusog sa ginagawa ko pero ang akin lang ay konting pagpapahalaga sa pera.

Matigas lang siguro ako pero may konsensya pa rin pala ako. At magagamit ko pala to sa pagpapayat at pagtitipid. Haha!

Popular Posts