Bagyong Pepeng

Usapan sa Opisina

Umaga pa lang, pinag-uusapan na ng mga ka-opisina ko ang tungkol sa paparating na bagyong si Pepeng. Sabi ng isa, malakas daw ang bagyong ito ayon sa nabasa niya sa internet. Sabi naman nung isa, sana naman hindi muna tumama dito sa Metro Manila dahil kawawa naman ang mga nasalanta ng nagdaang bagyong si Ondoy.

Nung tanghali, parang may komosyon ulit sa opisina nang malaman ng mga tao na umuulan na naman. Gusto kong mag-lunch sa labas pero wala akong payong. Ganun pa man, timing ang pagkaramdam ko ng gutom dahil wala nang ulan paglabas ko.

Paalis na ako nung hapon at nagpapaalam sa aking mga kasamahan na gagabihin pa dahil late pumapasok nang sabi ng isa kong kaopisina, sige, umuwi ka na bago ka pa abutan ng bagyo. Naisip ko, dadaan na naman ba ang bagyo dito. Maaliwalas pa rin naman sa labas habang naghihintay ako ng bus pauwi pero pagdating sa amin, may naiwan pang bakas sa riles ang nagdaang ulan.

Hindi Umaabsent ang Bagyo sa Amin


Ibinaba ni Kuya Linel ang kalendaryo na nakasabit sa dingding sa tapat ng telebisyon. Akala ko tinitingnan lamang niya ang mga petsa pero hindi pala. Tinitingnan niya ang mapa ng Pilipinas sa likod ng kalendaryo at kung saan tatama ang bagyo ayon sa balita.

Tinanong niya ako kung saan ang lugar namin. Lumapit ako at itinuro ang approximate location ng Camalaniugan sa Cagayan. “Dito kami sa dulo, medyo malapit sa dagat.”

“Eh tatamaan talaga kayo ng bagyo kasi dito dadaan oh,” sagot niya habang binabagtas ng kanyang hintuturo ang posibleng daraanan ng bagyo.

“Oo naman,” sagot ko. “Lagi naman binabagyo sa amin, eh. Madalas signal number 2 lalo na pag mga ganitong panahon.”

“Sa amin din sa Samar, laging binagyo. Hindi umaabsent ang bagyo doon.”

"Sira na naman ang mga pananim."

“Sa amin ang apektado naman ay ang dagat. Pag bumabagyo, apektado ang pangingisda,” si Karen na nakisali sa usapan.

Ganun talaga. Nasa magkabilang direksyon man ang mga lugar namin, hindi pala nagkakalayo ang kapalaran ng mga probinsya namin.

Naalala ko bigla yung sinabi nung landlady nila nung nakisilong kami sa kanila sa kasagsagan ng bagyong Ondoy. “Sa probinsya namin hindi naman ganito. Binabagyo kami dun pero hindi bumabaha. Nililipad lang yung mga bubong pero hindi binabaha yung bahay.”

Naisip ko, alin nga ba dun ang mas malala, ang matuklap ng malakas na hangin ang bubong ng bahay mo at malipad sa kung saan o ang pasukin tubig-ulan ang loob ng bahay mo hanggang sa bubong mo na lang ang natitirang visible mundo?

Ewan. Parehong malala yun. Kaya sana hindi na lang lumakas si Pepeng dahil hindi pa nakakarecover ang Pilipinas sa mga pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo.

Si Pepeng at ang Farmville

Mega text ako sa pamilya ko sa Cagayan dahil dun daw tatama ang bagyo sa late Friday or early Saturday. Hay, sana naman hindi lumakas ang bagyo dun. Naisip kong mas dapat na akong manalangin ngayon dahil ayon sa aking Mamang ay sumisibol pa lang ang mga pananim at may bagyo na naman. Lagi na lamang ganun.Kung tutuusin hindi ko na dapat masyadong iniisip ang bagay na iyon dahil hindi na tulad ng dati na typhoon directly affects my allowance. Nung nag-aaral pa kasi ako, kapag nagkaproblema sa pananim na siyang pinagkukunan namin ng ikinabubuhay ay nagkakaproblema din sa alawans ko. Kapag delayed ang anihan, eh di delayed din ang renta sa bahay at medyo diet muna. Makapal ang mukha ko pero nahihiya din naman ako sa mga magulang ko na madaliin silang asikasuhin ako pag alam kong marami rin silang problema dala ng mga bagyong tila ginagawang liwasan ang probinsya ng Cagayan.

Ngayong may trabaho na ako, naisip ko bigla na kapag matindi ang pinsalang idudulot ng bagyong Pepeng, malamang hindi ko masosolo ang sweldo ko. Hindi naman ako inoobliga ng mga magulang ko na magbigay sa kanila. Kakasimula ko lang sa trabaho at may mga sarili rin akong gastusin pero initiative na lang yun. Kung may maitutulong ba ako kahit kaunti bakit ko pa ipagdadamot. Dapat nga matagal na akong tumutulong sa kanila kung na-employ ako agad pagkatapos grumadweyt.

Tanong ni Kuya Linel, “Hindi pa ba pwedeng anihin yun?” Na siya din ang sumagot. “Oo nga hindi pa pwede kasi 51% percent palang yun.” Mga adik sa Farmville. Hirit naman ni Karen, “Kaya kelangan ko na mag-harvest dahil baka masira na naman ang mga itinanim ko dahil sa bagyo.” Dayalogo sa totoong buhay, pero iba talaga ang ibig sabihin. Masisira ang mga pananim sa Farmville dahil baka mag-brown out na naman.

Naalala ko tuloy ang sinabi dati ng isa kong kasama sa PIC-PAGTA nung minsang nag-uusap kami tungkol sa Farmville at sa kung anu-ano pang laro sa Facebook. Sabi niya sa isa pang kasama habang ipinapaliwanag sa kanya kung paano nagwowork ang Farmville, “Ganun na pala kadaling magsaka ngayon.”

Sana ganun na nga lang kadali ang lahat. Nagki-click ka lang, malinis na ang taniman. Nagki-click ka lang, nakabili ka na ng punla. Nagki-click ka lang, natamnan na ang 20×20 mong kalupaan. Nagki-click ka lang para mag-ani at voila! May pera ka na! At ang mga alaga mong kabayo at rabbit ay pwede lang ilagay sa kung saan magandang tingnan sa farm. Kung ganito sa totoong buhay, ibang-iba sana ang buhay ng karamihan sa mga Pilipino. Pero hindi eh.

Kaya pinagdadasal ko sana maging considerate si Pepeng. Sa mga tao at sa mga pananim.

Topograpiya ng Marikina at Cagayan

Habang naglalakad kami pabalik ng bahay, tanong ni Karen, “Di ba lambak sa inyo? Baka mabaha din kayo.” Sagot ko, “sa tanang buhay ko hindi pa binabaha sa amin. Hindi kasi masyadong nasasalanta kahit malakas ang bagyo kasi nga lambak, may mga bundok na humaharang.” Pinaniwalaan ko talaga ang mga turo ng mga titser ko nung elementary.

Sabi pa niya, “Diba kaya nga binaha ang Marikina dahil lambak din siya? Parang basin kaya naipon yung tubig. “May ilog naman dun sa amin kung saan pupunta yung tubig. “Di ba may ilog din sa Marikina at umapaw kaya nga binaha.”

Natawa ako. Oo nga no. Ang bobo lang. Ang inisip ko lang kasi yung lugar namin mismo na hindi naman talaga binabaha. “Oo nga umaapaw din pala yung Ilog Cagayan pero madalas ang apektado lang ay yung mga nakatira malapit sa pampang. Hindi talaga bahain sa amin. Kahit pa nung minsang lumaki bigla ang tubig dagat sa mga katabing bayan, sa lugar namin nag-evacuate ang mga tao.”

Ang totoo, nalagay na rin State of Calamity ang Cagayan nung elementary o high school ako dahil may mga lugar doon na mababa talaga, kaya binabaha. Sana lang hindi na maulit iyon.

Food Trip at Wild na Pag-iisip

Kakabili ko lang ng kanin nang makatanggap ako ng mensahe mula kay Karen. Pumunta daw ako sa bahay nila at kakain kami sa Greenwich.

Kain sa labas? Nakapambahay na ako eh. Pero pumunta din ako dun para alamin kung ano na namang trip niya at biglang gustong kumain sa labas.

Ayun naman pala, may misyon siya, at inaya niya ako para may kasama siya. Magmi-mystery shopper daw kami sa Greenwich. Sa kuya niya yun na nag-duty ata sa clinic ng Jollibee pero tinatamad lumabas kasi kaya kami na lang daw. Meron kaming P200 galing sa Jollibee at ang gagawin lang namin ay kakain sa nasabing fastfood chain at ieevaluate ang kainan pagkatapos.

Binilinan pa kami ng mga kabahay niya na magdala ng payong dahil ayon sa TV Patrol, magiging maulap at maulan daw sa Maynila. Mainit pa rin naman sa labas pero mabuti na yung handa.

Halos isang linggo na ang lumipas nang bahain ang Maynila dahil kay Ondoy pero sa Greenwich parang kahapon lang ang bagyo (kaya binagsak namin sa cleanliness).

Habang kumakain kami ay may tumigil na patpating lalake sa tapat namin. Sabi ng kaibigan ko, nakakatakot siya no. At nagsimulang umandar ang wild kong pag-iisip. Naisip ko na yung lalakeng palaboy na ngtransform na kontrabida sa isang sci-fi movie ay bigla kaming sinalakay sa pamamagitan ng pagwasak sa salamin gamit ang mga kamay niya. At ako ang unang mamamatay dahil male-late ng dating si Spiderman o kung sino mang bidang superhero sa pelikulang iyon. Paano kung totoo ang sci-fi. Darating kaya si Darna para isalba kami? (Ganito talaga ako mag-isip madalas.)

Sinaway ko ang isip ko sa walang katuturang bagay na iyon at pilit isiniksik sa utak ang tanawin kung babagyo na naman at ang lansangang nagsisilbing tirahan nila ay aagawin pa sa kanila ng tubig-baha.

God Bless the Philippines

Alam ko hindi appropriate ang reaction ko pero natawa ako pagkabasa sa huling linya ng text message na natanggap ko nung nasa dyip kami ni Karen pabalik ng bahay. Putol pa ito nang matanggap ko kaya kelangan ko pang magbura ng ibang mensahe para magkasya ang mahabang text.

“Dearest friends and family, this just came from CNN. The coming storm is now a category 5 supertyphoon. Expected landfall is late friday or early saturday. Path is through northern luzon. We can only pray and prepare as it is the strongest storm category. Please warn your loved ones in that area while still early. Lets laso hope and pray it takes a different course. Please spread the world. God bless the Philippines.” :-(

Madalas, hindi ako basta-basta naniniwala sa mga finoforward sa akin hangga’t di ko muna ito nakikita s aTV o nababasa sa dyaryo pero sa kasong ito, naniwala ako dahil ang taong nagpadalaay sigurado kong hindi magsesent ng maling balita.

Sa Northern Luzon daw tatama ang bagyo sa Biyernes ng gabi hanggang Sabado. Hindi na tinantanan ng bagyo ang lugar namin.

Binura ko rin ang message pagkabasa kahit gusto kong iforward sa mga numerong nasa telepono ko. Naaasar lang ako at naaalala kong kinain na naman ng magaling na Globe ang load na kagabi ko lang binili.

Naintindihan ko naman ang nais iparating ng mensahe na mag-ingat at maghanda sa paparating na malakas na bagyo. Nakuha ang atensyon ko ng huling pangungusap. Natawa ako dahil naisip ko si Obama habang sinasabi ang American slogan na God Bless America.

Pepeng Joke

S.H.A.B.U. Let’s partey! Sabi nga ni Ramon Lecumberri (Facebuko). Salamat Hesus At Biyernes Ulit. Masaya ako dahil weekend na. Pahinga muna pagkatapos ng isang linggong trabaho. Kung wala sigurong bagyo, magkakaayaan na naman ng inuman. Pero hindi ko rin maiwasang isipin ang nangyari nung nakaraang Biyernes lamang. Gumimik pa kaming magkakaibigan habang nananalanta si bagyong Ondoy. Baka kasi ma-deja vu kami. Kaya wag na. Tigil na lang sa bahay at maging productive.

Naisip ko nga, pag hindi umulan nang malakas, magvovolunteer na lang ako sa mga organisasyon na tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo. Serbisyo lang maitutulong ko dahil wala naman akong pera o ekstrang pagkain na maibibigay. Positibo naman ang sagot ng ilang mga kaibigan na inaya ko. Kaya maghahanap kami ng mga organisasyon na nangangailangan talaga ng mga tao. Para mamaximize naman yung maaari naming maitulong.

Sa kabila ng mga nangyari dahil sa Ondoy, meron pa rin mga taong nakukuhang pagaanin ang sitwasyon sa pamamagitan ng mga biro. “Kelangan na natin lisanin ang campus before 1pm! Mamamatay na tayo! Samahan na natin ang mga mahal natin sa buhay!” Text sa akin ng blockmate ko. Sinulat daw sa board ng isa naming orgmate. Natawa ako at sabing da best ang nagsabi nun. Mga adik lang.

Sabi ko naman, wag kayo mag-alala. Di naman mabubura sa mapa ang Baguio, magiging mas accesible lang kasi bababa ang lupa. Dinaan na lang sa biruan dahil wala rin namang magawa para mapigilan ang bagyo.

“Sa amin din sa Samar, laging binagyo. Hindi umaabsent ang bagyo doon.”

“Sa amin ang apektado naman ay ang dagat. Pag bumabagyo, apektado ang pangingisda,” si Karen na nakisali sa usapan.

Ganun talaga. Nasa magkabilang direksyon man ang mga lugar namin, hindi pala nagkakalayo ang kapalaran ng mga probinsya namin.

Naalala ko bigla yung sinabi nung landlady nila nung nakisilong kami sa kanila sa kasagsagan ng bagyong Ondoy. “Sa probinsya namin hindi naman ganito. Binabagyo kami dun pero hindi bumabaha. Nililipad lang yung mga bubong pero hindi binabaha yung bahay.”

Naisip ko, alin nga ba dun ang mas malala, ang matuklap ng malakas na hangin ang bubong ng bahay mo at malipad sa kung saan o ang pasukin tubig-ulan ang loob ng bahay mo hanggang sa bubong mo na lang ang natitirang visible mundo?

Ewan. Parehong malala yun. Kaya sana hindi na lang lumakas si Pepeng dahil hindi pa nakakarecover ang Pilipinas sa mga pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo.

Popular Posts