Isang Sabado ng Gabi sa Malate

Habang May Pera

Totoo nga ang sabi ng isa kong sis, walang matitira sa unang sweldo.

Bukod kay Karen na ka-one on one ko nung Biyernes, (may bantay kasi kaya di ko masyadong mahatak sa mga lakad), ang kaperahan na natanggap ko last week ay nilustay kasama ang mga bagong kakilala.

Dahil once a week (maswerte na ang twice) na lang nasasayaran ng alcohol ang aking lalamunan, eh di pumayag na rin sumabit sa lakad ng barkada nila. At isa pa, lagi ko na lang tinatanggihan si Vanessa pag nag-aaya lumabas o magsimba. Kaya kahit naka-sked ang paglalaba nang gabing iyon, go na muna sa gimik. Tutal para sa mga tulad kong galit sa alak, ginawa ang Sabado para magsaya.

Habang nagbibihis, iniisip ko kung ano bang klase yung mga kaibigan niya. Baka magmukha akong basura sa harap nila. Sa Baguio kasi pag nagbabar kami, dun lang sa pang-masa, yung okey lang nakatsinelas.

Nagmake-up si Van. Kelangan ko rin bang mag make-up? May make-up kit ako pero ginagamit ko lang sa mga okasyon na kelangan talaga magkolorete. Siyempre nanaig ang katamaran. Naglagay lang ako ng powder at lip balm. Inuman lang naman yun.

Saan kaya kami pupunta? Baka bawal nakatsinelas. Parang sa Strumm's, tambayan ng mga rich oldies, kasama na si La Greta. Buti na lang kakilala nung kasama namin yung may-ari kaya pinalusot na yung kasama naming nakatsinelas. Iba na ang may koneksyion! Pero ngayon wala ata kaming koneksyon, kaya kung magiging problema yun, eh di magchucks.

Daanan daw namin yung isa dahil on the way naman. Inisip ko bading siguro yun. Kasi tunog lalake yung pangalan pero antagal magbihis, naunahan pa namin. Aba okey to ah.

Ang malupit, nung andun na kami sa lugar na sinabi niya, di namin siya makita. Tunay na lalake to ah, malabo kasi kausap. Aba, ayos. Natatawa nga yung drayber sa amin dahil lalaki pa daw yung nagpapahintay. Magaling daw. Magaling!

Eh di dahil nagpaparinig na si Manong drayber at di na makontak ang magaling na lalake ay bumaba na lang kami ng taxi. Wala pang limang segundo pagkalayas ng taxi, nagkahanapan na.


Alyas

Irish. Napaka-plain. Parati ko na lang gustong ibahin ang aking pangalan, nandiyang dagdagan ko ng Mariah, o Anne, etc.

Sa bahay, Irish ang madalas itawag sa akin. Minsan tinatawag akong “Neng” ng nanay at Auntie ko. Sa mga close friends ko naman, ako si “Iyyi”.

Nung nasa Baguio pa ako, ang pangalan ko naman sa mga aplikante sa organisasyon ay “Margarita,” “Irish Margarita Marjorie,” o “Marge.” Bigay ni Kuki dahil nga napaka-plain ng pangalan ko.

Nung nasa call center naman ako, ang alyas ko naman “Karen.”

Sa tinitirhan ko ngayon, kung hindi “Beh,” ang tawag sa akin ay “I” o “Rish.” Kitang-kita naman kung paano hinati ang pangalan ko para lang magkaroon ako nickname. Siguro inisip ni Van na baka ayaw ko ipasabi ang tunay na pangalan ko kaya siya na ang nagkusa na ipakilala ako sa ibang pangalan. Ako si Lea nang gabing iyon.

Natatawa na lang ako. Nung nakaraang linggo lang, iba na naman ang pangalan ko nung ipakilala ako ng kaibigan ko sa mga kapitbahay nila. Di ko matandaan yung pangalan pero nagtatapos din yun sa a.

Pero ayos lang din. Tutal kung may chance ako, papapalitan ko talaga pangalan ko. Ang boring kasi eh.

Cultural Differences

Sabi na nga ba dapat nagdala ako ng kaibigan. Napakahilig kong magsasasama sa mga taga south eh hindi ko naman sila naiintindihan. Hindi daw tama na mag-usap sa ibang lengwahe kapag hindi naiintindihan ng kasama niyo. Dapat ang gamitin ay yung naiintindihan ng lahat. Humihingi naman sila ng pasensya na nagsasalita sila ng Bisaya. Awkward daw kasi pag nagtatagalog sila.

Sige na nga, sa susunod magsasama din ako ng Ilocano o Ybanag para di ako ma OP. As in totally wala akong maintindihan. Yung Waray medyo naiintindihan ko na eh. Tumira ba naman ng mahigit isang buwan kasama ang mga Waray. Saka mas hawig sa Ybanag at Ilocano ang Waray. Maraming words na pareho ang meaning.

Eh di ayun, nakikiramdam na lang ako kung ano yung mood ng usapan nila. Baka ibenta ako bigla eh. From time to time naman, tinatanong ako ng kahit na ano. Pag feeling nila ay bored na ako.

Ikaw ay Isang Panaginip

Habang naglalakad sa mall, iniisip ko kung saan ko nakita yung isa. Kasi pamilyar yung mukha niya. Nung naghiwa-hiwalay kami dahil trip nilang magjowa ang kumain muna, narealize ko kung saan ko siya nakita.

Aha! Napanaginipan ko siya. Korni pero totoo. Pwede na talaga akong magdala ng lamesa at bolang kristal at magset-up sa Quiapo at manghula. Madalas kasi mangyari sa akin na yung mga napapanaginipan ako ay nangyayari talaga. (Salamat na lang at di ako natutuklaw ng ahas o kinakagat ng aso o biglang nagkakaroon ng anak dahil madalas ko mapanaginipan ang mga ito.)

Madalas din kasi, naaalala ko ang mga panaginip ko. Nakakatamad ikuwento yung kay Erol. Basta ang gist ng panaginip ko ay naki-stay ako sa apartment nina Karen at one time wala siya, inimbita ko yung mga blockmates at friends na mag-inuman dun. (Kahit sa panaginip ang kapal ng mukha eh.) Ang andun lang sa bahay ay yung kabahay nila na friend ni Karen. May nakasabit na litrato ng kabahay nila sa wall at yun ang kamukha ni E. Kahawig na kahawig. Mas maputi nga lang si Erol at iba yung style ng buhok. Basta ganun.

Sa Wakas May Tagalog Na!

Nagpaikot-ikot muna sa MOA. May isa pa daw friend na susunduin. Tahimik na nakasunod lang ako. Bukod sa tahimik talaga ako sa tunay na buhay ay matatahimik talaga ako dahil di man ako marunong magbisaya day. Dapat talaga nagdala ako ng translator eh. Mapapanis na naman laway ko nito.

Ako pa ang nauunang maglakad sa lahat at palinga-linga, tinitingnan kung sino ang lalapit dahil busy sa pag-uusap ang dalawa. Noon lang ata sila ulit nagkita-kita. Muntik na namin siyang lampasan nang narealize nung friend nila na andun ang mga kabarkada niya. Nagulat siyempre. At dahil hanggang 10 pa ang shift niya at pinauna na niya kami pero napagdesisyunan na hihintayin na lang siya. Kaya forever paikot-ikot sa mall at kung ano-ano lang mapagtripang gawin. Nagkodakan sa kung saan mapagtripan. Nagcomment nang nagcomment sa bawat asong dumaan at sa mga magagandang sasakyan. Nagplano kung paano kukunin ang mga barya sa fountain. At higit sa lahat, pinag-uusapan yung hinihintay na kaibigan. Tagalog na daw kasi. Di na masyadong nagbibisaya.

Masaya din naman silang kasama. Iba din ang trip nila eh.

Sa wakas, past 10 na. Paglabas ni Tyron, nakapormal pa. Wag na daw magbihis para pag naholdap kami ay siya na mismo ang ibibigay dahil mukhang negosyante. At dahil ayaw kami isakay ng mga dumadaan na taxi, (Mga choosy kayo. Hmp.) dyip na lang. Tipid pa, sabi nga nung isa. Isang sakay at maglalakad na lang papuntang Malate.

Habang naglalakad papunta sa sakayan, naisip ng bagong dating na interbyuhin ako. Sa wakas, may kumakausap na sa akin. Bukod sa mga usual na tanong ay may mga unusual questions din na medyo di ko napaghandaan. Natatawa na lang yung mga kaibigan niya at nag-uusap sila na alam kong patungkol sa akin.

Eh di dahil kelangan ko pang linawin na taga-Cagayan Valley ako at hindi Cagayan de Oro dahil tinanong ako kung marunong ako magbisaya (take note, the question was asked in Bisaya). Sabi ko na lang hinde dahil feeling ko tinanong kung marunong ba akong magbisaya. Ano daw ba ang dialect sa amin? Eh, di sabi ko Ilocano at Ybanag at ahhh lang response nila.

Padi’s din pala ang bagsak namin. Sayawan pala ang trip nila. Naisip ko, di na naman ako mag-eenjoy nito. Nasanay kasi sa puro inuman lang. Yung gimik na puro lasingan lang. Yun ang masaya para sa akin. Eh alangan naman na humiwalay ako at bigla na lang makijoin sa nakahilerang mga manginginom sa gilid ng daan. Andami talagang lasenggo sa mundo.

Inuman Na!

At dahil beer, nakakalaki na naman ng tiyan, inisip ko konti lang iinumin ko. Nung nasa MOA pa kami ay tinanong pala ako kung umiinom daw ba ako. Sabi ko lang oo. Nung inuman na, nagugulat sila dahil ambilis ko lang nauubos ang nilalagay nila sa baso ko. Sorry ha. Sorry, hayok lang. Gusto ko nang matamaan agad at nang makauwi na.

Eh di masaya ang lahat. Sayawan. Sayawan. Ang lola mo na lang at isa pa ang di tumatayo para sumayaw. Naging smoke machine na naman tuloy ang bunganga sa kakayosi. Ayun eh di dahil kinakaladkad na ako sa dance floor, kahit pa pinipilit ko pang hithitin yung filter na. Wow. Energy niyo ha, ang taas. Di napapagod.

Hindi Lahat ng Nasa Malate ay Busog sa Alak

Pagod na talaga ako. Akala ko uwian na. Hindi pa pala. Naghanap lang pala ng ibang venue para sumayaw to death ulit. Eh di sige, game. Bawal ang KJ dito, uy. Bukas masakit na naman katawan ko sigurado.

Maya-maya, nagsawa din. Ayan, uwian na talaga ‘to. Hindi pa rin pala. Naghanap nang naghanap ng ibang venue. Dahil madaling araw na, puno na halos lahat kaya tambay-tambay muna at naghintay kung saan pwede.

Maya-maya’y may lumapit na ale sa amin pero kami ang pakay, kundi yung nagbebenta ng yosi sa likuran. Akay-akay niya ang kanyang sanggol na sa tantiya ko ay nasa dalawa o tatlong buwan pa lamang. Gising na gising ang sanggol. Wala pang malay sa mundo pero kasa-kasama na ng nanay niya sa paghahanap ng panlaman sa tiyan. Nagbebenta rin ng yosi at kendi ang ale.

May nag-ayang magkape. Ayan, lie low na lahat. Kapihan na eh. Uwian na talaga ‘to. Gusto ko nang pumara ng taxi pauwi pero sa ibang direksyon nakatingin ang kasama ko. Hindi pa pala uwian. Habang nakatayo sa tabi ng nakapark na sasakyan ay may lumapit na dalawang batang babae sa amin. Hinihingi ang kape ko. Eh di sabi ko ayoko. Oo na madamot na ako. Konti pa lang ang nasisipsip ko eh. Lumapit din sila sa isa pa naming kasama, hinihingi din ang hawak niyang kape. Sagot niya, kakabili niya lang ng kape. Sabi ng mga bata, di pa daw sila kumakain. Sagot niya, masama sa mga bata ang kape. Sabi ng mga bata, hindi daw. At pinagpipilitan na gutom sila. Ewan kung kadamutan pero wala ni isa man sa amin ang nagbigay kahit ng barya lang na ipambibili ng pagkain.

Masasabi ko rin namang mapagkawangga-gawa ako kahit paano pero hindi sa ganoong paraan. Madalang talaga akong magbigay sa mga namamalimos. Nung minsan nga pinagtulakan pa ako ni Karen para magbigay dun sa bulag na tumutugtog sa harap ng UP Manila. Tutal naman daw ay may ginawa siya at hindi lang basta humihingi.

Sa Baguio din, madalas pag naglalakad sa Session Road, maraming nakakalat na mga matatandang taga-Cordillera. Karamihan nga sa kanila, mukhang Kadangyan (mayaman) pa, kasi may mga tattoo at mga gamit na hindi basta-basta mabibili lang sa Maharlika Complex. Sasabihin ng mga kasama ko, kawawa naman oh, tapos bibigyan ng barya. Ako wala lang. Pusong-bato daw. Walang awa. Sabi ko naman. Naaawa naman ako sa kanila dahil bakit kailangan nilang magresort sa ganung gawain para magkapera. Pero pag nagbigay ako, sa mga sindikato naman yun mapupunta. Napaka-stereotype talaga ng pag-iisip ko. Pero sa ilang kaso, totoo naman daw yun.

Nakaiwas lang kami sa mga bata nang mag-aya ang isa na umupo na lang sa shop na pinagbilhan namin. Kitang-kita mula sa kinauupuan namin ang isang baklang nagsasayaw sa harap ng mga customer sa labas ng isang bar. Bigay-todo siya sa pagsabay sa musikang nanggagaling sa loob ng bar. Maya-maya’y inabutan siya ng perang papel ng grupo ng mga bakla na nag-iinuman sa katapat na mesa. Kinuha niya ang pera at tinitigan sa tapat ng malamlam na ilaw ang magkabilang panig, naniniguro na tunay na bente ang hawak niya. Nagpasalamat siya at nagtuloy sa pagsasayaw.

Palagi daw talaga yun dun, sabi ng room mate ko. Inisip ko, hindi ata siya lumilipat ng bar. Andun na siya nung nagtanong kami kung may bakante pa. Baka dun talaga siya nakakakuha ng marami. Nang may lumabas na grupo ng kalalakihan, dumaan sila at kumapit sa braso ng isa yung bakla, di ko napansin kung binigyan siya pero nakangiti itong bumalik sa pwesto niya at tinungga ang beer na binigay din sa kanya ng grupo ng mga bakla na nag-abot ng bente. Ilang beses din siyang binigyan ng pera ng grupo.

Kuya bulaklak po, alok ng isang batang lalake sa kasama naming lalake nung mapadaan sa mesa namin kasama ang ilan pang mga batang nagbebenta ng bulaklak. Madaling araw na at nalalanta na rin ang bulaklak pero sige pa rin sila sa pagbebenta. Naglalako sa halip na nasa bahay at natutulog. Napaka-energetic pa rin nila kahit madaling-araw na. Mga bata pa ay marunong nang magbanat ng buto para mabuhay.

Pumasok ang grupo sa mini-stop at bumili ng ice cream ang isa. Dahil dedma ang kasama namin ay agad bumawi ang bata na sinabing, di naman kita pinipilit eh. Natawa kami sa hirit ng bata kaya pahabol na isinigaw ng kasama namin na, akin na, bilhin ko lahat yan eh. At agad din namang lumabas yung bata at sabi, sige eto oh, na sinagot ng kasama namin nang, wag na, di naman kita pinipilit eh at ayaw nila ng bulaklak, sabay muwestra sa aming mga babae.

Ayan, paubos na ang mga kape namin. Siguro naman uuwi na talaga kami. Magsi-CR lang daw yung mga lalake. NagCR lang sa katabing bar di na lumabas. At pinapasok kami. Para uminom at magsayaw hanggang umaga.

Murder on the Dance Floor

Pagkaupo pa lang namin ay biglang may nagkainitan sa dance floor. Isang babae at isang lalake ang nagbabangayan sa gitna ng mga taong nagkakasiyahan. Ewan ko din kung anong dahilan. Inawat sila at bumalik din sa ayos ang lahat nang pareho silang umupo.

Magkatabi lang ang mesa nila, parehong nasa gitna. Pero habang nakaupo ay halatang asar pa rin ang lalake. May sinasabi pa rin. Kaya maya-maya ay muli silang nagkasagutan ng kung ano-ano. Habang ang mga tao ay patuloy pa rin sa pagsayaw at pag-inom. Wala talagang gustong magpatalo sa kanila. Natawa ako nang pinatugtog ang Mad ni Ne-yo, biglang shift sa mellow mula sa upbeat yung music, na actually ay para sa dalawang nag-aaway ang kanta. Effective ata kasi maya-maya, sa kalagitnaan ng kanta ay nagyakapan sila. Ayan, ayos na. Party na ulit!

Maliwanag na sa labas nang magsawa ang mga kasama ko. Mayroon isang grupo na naghihintay ng mababakanteng mesa. Wow. Ang aga ng gimik ah. Siguro panggabi ang trabaho nila at mag-de-destress lang din sila. Bankrupt na kaming lahat kaya pahirapan sa pagbuo sa ipambabayad. Pagkabigay ng bayad, sabi ng waiter ay kulang daw ng limang piso, pero okey na daw, babayaran na daw nung grupo na pupwesto sa pinanggalingan namin. Natawa na lang kami. Desperado talaga sila makakuha ng mesa.

Nag-Baywalk Po Kami

Habang naglalakad palabas ay nagkukwentahan ang mga kasama ko. Tama daw ang binayad namin dahil si ganto nagbigay ng ganyan, si ganto nagdagdag ng ganyan. Kung tutuusin daw ay sobra pa ng limang piso yung bayad. Nangiti na lang ako. Ang cute kasi ng usapan. Yung isa nilabas pa yung coin purse at pinakita na wala nang laman. Mahal pala dun sa huli naming napuntahan. Ang masaklap pa dun, napakamahal ng pulutan na ni hindi naman namin inorder. Bigla na lamang nilagay sa mesa namin at kinain naman namin.

Gusto ko nang magtaxi pero magdyip na lang daw sabi ni Van. Habang naglalakad papunta sa sakayan namin ay tanong sila ng tanong kung nag-enjoy daw ba ako. At kung sasama pa daw ba ako sa susunod. Oo naman, ang sagot ko. Walang kaplastikan. Masaya din naman silang kasama. Hyper nga sila eh. Iba ang energy level. Sa susunod magdadala na lang ako ng makakausap para walang boring moments.

Bukas na ang tindahan ng landlady nang makauwi kami. Habang nasa dyip ay nag-iisip pa ng magandang palusot ang roommate ko. Yun naman ang di maganda pag nagbo-board. Kasi kelangan mo rin iconsider yung iniisip ng landlady. Sabi ko, masaya kaya mag-baywalk before mag-umaga, sabay ngiti. Tutal hindi naman kami lasing.

Nagbaywalk po kasi kami, nag-a-ayos ng paninda ang landlady. Kinausap pa siya ng kasama ko habang ako ay pumanhik na dahil kating-kati nang maligo.

Popular Posts