Usaping Trapiko

Nakasubsob ang mukha sa isang palad. Sinusubukan maidlip. Ayan, gumagalaw na. Nagmulat ng mata at tumingin sa unahan ng bus na nakatigil pa rin pala.

Uusad nang isang metro, tapos titigil nang limang minuto. Uusad ulit pero pagtingin sa paligid, hindi pa rin nakakalampas sa katapat na gusali. Uusad. Titigil. Usad-tigil. Umuusad pero mas madalas nakatigil. Nakakunot-noo na ang karamihan sa mga pasahero. Ang ilan ay mahimbing na. May iba nga humihilik pa. Karamihan patingin-tingin sa relo. Patext-text at palaro-laro sa cellphone. Nakikinig sa iPod o MP3. Patingin-tingin sa ibang pasahero. Kahit saang sulok ay makakarinig ng "tsk", "ang tagal" at buntung-hininga, senyales na buryong na sa traffic ang gma tao.

Wala rin akong pasensya sa mga ganitong sitwasyon, bakit sino ba ang meron? Kaya tinatantya ko lagi ang oras ng pagpasok ko. Konting sala lang sa oras, ang trenta minutos na biyahe ay magiging dalawang oras.

Isa sa mga dahilan kung bakit ayoko sana mabase sa Maynila ay ang trapik. Isipin nalang ang oras na maaari pa sanang gugulin sa ibang bagay ay nasasayang lamang pag na-stuck sa gitna ng trapik. Tanong nga ng isang patalastas ng car loan sa radyo, Are you spending more time commuting for work than with your family? Na malamang marami nakakarelate. Kung gusto mo makaiwas sa matinding trapik, pumasok nang maaga, mga alas siyete o late na late na, mga alas diyes. Malamang karamihan kelangan pumasok ng alas otso hanggang alas nuwebe. Kaya nga ganung oras pinakamatindi ang trapik eh.

Upang mabawasan ang trapik sa Maynila, may proposisyon: bawasan ang mga bus na bumibiyahe sa lungsod, sa ganitong paraan, mababawasan rin ang mga aksidenteng madalas mga bus ang nasasangkot. May sumagot, dyip daw ang bawasan kasi andami-dami nila, nakakasikip daw sa EDSA kaya laging trapik. Reklamo ng taxi driver habang bumubusina, itong mga dyip na 'to kung saan-saan nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero. Sila talaga ang dahilan ng trapik eh. Sabi naman ng ilang pasahero, ano ba 'tong mga bus na to, ang gugulo, nakakasikip sa daan. Sabi ng DJ sa radyo, I was caught in the traffic and I saw this red plated car [na sumisingit]. Nakakainis. If they [politicians] have no solution for the traffic, at least they shouldn't create traffic jams. They're wasting our money! Sabi ng patalastas sa telebisyon, kung gusto raw natin maging katulad ng Singapore, lagyan ng RFID ang mga pampubliko at pribadong sasakyan. Ayon naman sa isang anak-mayaman, Ang traffic! Dapat kasi di na bumibili ng kotse ang mga mahihirap eh!

May kanya-kanyang dahilan at pananaw ang mga taong ito kung bakit iba-iba ang sinisisi nila sa trapik na palala nang palala. Ang tingin ko? Iba-iba rin eh. Depende kung saan ako nakasakay.

Popular Posts