Tungkol sa Trabaho

Dati, biro-biro lang ang tingin ko sa mga naririnig ko sa opis na, "Si ganito magreresign na next year." Si ganyan aalis na rin kasi di na kaya ang pressure." "Si Chuva aalis na rin yan kasi di gusto ang trabaho." "Tingnan mo, pagkakuha ng 13th month pay at sweldo, marami nang aalis." Di ko alam, karamihan pala dun seryoso.

Unang linggo ko palang nun sa trabaho, sabi ko, hindi ako magtatagal dito dahil hindi ito ang trabahong gusto ko. Dahil yun sa boredom. Maghapong nakaharap sa PC, nagsusulat pag hihingan ng write-up. At dahil hindi naman kumplikado ang mga pinapasulat, madalas, kahit maaga pa, tapos na ang task para sa maghapon (hindi ako nagyayabang, kahit hindi Communication graduate kayang gawin ang trabahong to). Pag hindi na nagsusulat, magu-google na lang ng kung ano-ano. Suki ng mga astig na sites (Facebuko syempre. Sobra akong nalungkot nung magsara ang Tunay Na Lalake), updated sa Showbiz (PEP the best!), naaupdate ang lahat ng social network sites kung saan may account, nakakapag-facebook (kahit medyo bawal, laging nahuhuli ng TL, dinadalaw pa ang farmville) at kung ano pa na pwedeng gawin habang naghihintay ng uwian.

May mga nagsasabi sa akin, gusto daw nila ng trabaho ko, kasi maghapon lang ako nakaupo at nag-iinternet. Sabi ko naman, subukan nila nang malaman nila. Ewan ko pero, siguro hindi para sa akin ang ganitong trabaho; siguro sadyang hindi para sa tulad ko na gusto lagi challenging. Action. Haggard. Pagod.

Sabi nga ng CEO ng isang inaplyan ko dati, "Field ka ha. Gusto mo ba ng office work? Uupo ka lang maghapon at hihintayin mag-alas singko. Ganun na lang ang buhay mo araw-araw. Mas maganda yung pumupunta ka sa ibang lugar. Marami ka pang makikilalang tao."

Marahil tama siya. Oo tama talaga siya. Pero ang mali niya ay tinawagan ako one week after ako matanggap sa trabaho ko ngayon. Hindi na ako nagresign dito para tanggapin ang alok niyang trabaho.

After one week ng pagsusulat, nalipat ako ng posisyon. "Hindi lahat ng tao, kayang magsulat. Ang pagsusulat, talent yan eh. Hindi yan nabibuild overnight." Pambobola ng Director namin habang kinukumbinsi akong magtrain sa ibang posisyon. Pano, nung kinausap ako ng TL ay ngumingiwi ako kasi ayoko naman sana talaga sumabak sa trabaho na wala tala akong alam. As in zero.

"Ite-train ka naman. Ayaw mo nun, may matututunan kang bago." Dun ako bumigay. Uy, bago daw. Sabagay. Masubukan nga.

Unang araw pa lang. Eto na, sinabi ko ulit sa sarili ko na, di na talaga ako magtatagal sa trabaho. Dahil ang hirap sobra. Dun ko naramdaman na sobrang bobo ko. At walang kwenta ang lahat ng pinaghirapan ko sa journ. At sana ibang kurso na lang kinuha ko.

Pag tinatanong ng mga kaibigan ko kung ano ang trabaho ko, madalas ang sagot ko "Eto na naman, pahirapan na naman sa pageexplain." Kasi karamihan ay di alam kung ano ang ginagawa ko sa buhay. At kadalasan, poker face at "Ahhh..." lang ang bumabalik na sagot sa akin pagkasabi kung ano ang trabaho ko. Pero nung Disyembre, at last may naiba ang sagot. Milya-milya daw ang layo ng nakuha kong trabaho sa natapos ko. Sabi ko, eh hindi naman talaga yun yung una kong trabaho eh. Na-promote lang ako. Nyahaha!

Pagdating ng January, unti-unti nang nagsisialisan ang mga tao, sa halos pare-parehong dahilan. Napapaisip tuloy ako. Baka naman di ko nalalaman lahat pala aalis at ako ay wala pang matinong plano sa buhay. Nakakatamad kaya maghanap ng bagong trabaho. Saka, wala pa akong ipon.

"Magplano ka kasi. Isipin mo kung ano talaga gusto mo," pangaral sa akin ng kaopisina ko na very supportive na magMA ako. Take note, nagvolunteer pa siya na kukuhanan ako ng forms once na nakapagdecide na ako kung ano ang kukunin ko. Gusto ko mag-aral pero yung kurso na gusto ko, wala sa mga eskwelahan na gusto ko. Pero ayoko pa din umalis ng trabaho kasi feeling ko marami pa akong matututunan na magagamit ko din naman in the near future. "Weekends lang naman ang MA. Madali lang naman, kayang-kaya mo yun! UP ka eh!" Wow salamat at may naniniwala pa sa akin. "Di ko na kasi gusto yung ginagawa ko dito. Kaya babalik na ako sa academe." Buti pa siya may konkretong plano sa buhay. Sabagay, marami na siyang work experience. Di na siya masayadong nahihirapan pag naghahanap ng bagong trabaho. Eh ako. "Pag nagMA ka, mas mataas na ang level mo." Oo, pero, sadyang tamad talaga ako. Tinatamad pa talaga ako. At siguro, nasasanay na ako sa trabaho.

Sabi nga sa isang text message, "Always get what you love, otherwise you will be forced to love what you get."Siguro yun na ang nangyari sa akin. Maygad! Isa na akong guni-guni! (Jun Cruz Reyes)

"Pag ba regular na, ilan ang leaves?", tanong ng ka-team ko sa TL. "Ilalagay diyan (spreadsheet). Kelan ka ba?" "Sa thursday." "Naks. Congrats!" "Uy congrats! Pakain naman!"

"Ikaw ba kelan?" Ako ang napagbalingan.

"Matagal pa ako. September lang ako nagstart eh."

"Ay oo nga, September ka pala. Akala ko magkakasabay lang tayo."

"September ka? Uy, ang tagal mo na pala! Haha!"

Oo nga naman. Hindi rin naman kasi lingid sa kanila na hindi ko gusto ang trabaho sa simula pa lang. Kaya napaka-supportive nila tuwing nakikita nila akong nakaformal, o smart-casual. "Uy, san ang interview? Sige okey lang yan. Ganyan din ako nung fresh grad ako. Three months matagal na yun." "Ako nun every six months iba ang trabaho."

Kung alam lang nila nung bagong gradweyt ako. Eight days ako sa call center at halos dalawang linggo sa dyaryo. Pangarap ko rin naman magtino. Okay na muna sa akin ang trabahong ito.

Popular Posts