Height Does Matter

Hindi ka na tumangkad! Iniisip ko pa naman, noon ang tangkad mo na, eh di ngayon ang tangkad-tangkad mo na! Yan ang unang comment ng isang kaibigan pagkatapos namin mag-hi/hello at magbeso-beso, habang binabagtas ang daan palabas sa bookstore kung saan kami nagkitang muli pagkalipas ng siyam na taon.

Ano ba, wag mo na i-reiterate kasi oo nga, ang sagot ko. Nabi-bitter talaga ako kapag nababanggit ang bagay na ito (height). Paano kasi'y naaalala ko lang ang kabataan ko.

Magka-klase kami mula kinder hanggang grade six, super close friends. Pagkagraduate sa elementary, lumipat silang buong pamilya sa Maynila at hindi na kami nagkita mula noon. Salamat sa teknolohiya, nakuha ko ang kanyang cellphone number, at nagka-text paminsan-minsan. Pero pagdaan ng mga taon, nawalan kami ng komunikasyon.

Balik sa usapang height. Yung sinasabi niyang hindi na ako tumangkad mula nung huli niya akong makita, totoo yun. Nung elementary, halos ganito na ang height ko. Kung tumangkad man ako, mga kulang isang pulgada lang. Pagkakatanda ko kasi, 5'2" ako nung first year high school, 5'2 1/2" ako ngayon. Matangkad na ang five footer para sa estudyante ng elementarya, babae pa ako. Matangkad ako kumpara sa karamihan sa mga ka-batch ko nun. Hindi ko ito gusto nun. Ang totoo, ito ang sinisisi ko kung bakit hindi ko masyadong na-enjoy ang pagkabata. Sabi nga nga isa kong Auntie, ako raw ang batang hindi nagdaan sa pagkabata, kasi mukha na daw akong malaki (adult) agad.

Noon, ako ang pinakamatangkad sa aming magpipinsan na mga kaedaran ko, pati na rin yung mga mas matatanda sa akin. Mas matangkad ako sa kuya ko at pari na rin mga pinsan kong lalaki. Pag naglalakd kami nung galing iskul, kasama ang dalawa kong pinsang babae na ka-batch ko, para raw kaming mag-iinsa dahil hanggang dibdib ko lang sila. Sa mga family pictures, dun ako nakapwesto sa bandang likod, kasama ng mga pinsan kong lalaki. Sa mga class pictures naman, lagi akong nasa gitna sa pinakalikod. Masaya nako nun pag wala ako sa huling row ng mga upuan sa klase o kaya'y sa pinakadulo ng pila pag flag ceremony.

Pag bumibili kami nun ng sapatos, walang nagkakasya sa akin sa kids section. Lagi kaming pinapapunta ng mga saleslady sa part na pang-teen ager na. Isa ito sa mga moments na gusto kong iyakan nun, siguro dahil sa hiya dahil madalas akong makantiyawan.

Noon, tuwing may PTCA meeting at nakikita ako ng mga magulang ng mga kaklase ko, ang madalas na tanong nila ay kung nag-i-star margarine daw ba ako. Ang totoo, hindi. Ayoko ng Star Margarine noon kahit pa nasasarapan ako sa star rice. Iniisip ko kasi lalo lang akong tatangkad pag kumain nun. Isa pang tanong ay kung ano daw ba ang gatas ko. Ewan ko kung nakakatangkad pero Bear Brand lang ang ipinainom sa akin ng mga magulang ko.

Madalas ko ring marinig nun na sinasabihan ang nanay ko na alagaan daw ako kasi paglaki, pwedeng-pwede daw akong sumali sa mga beauty pageant. Wag daw hayaang magka-peklat ang legs at kung anu-ano pang echos. Na alam kong hindi sineryoso ng nanay ko, dahil  tingnan niyo nama ako ngayon. :p

Noon, madalas sabihin ng mga tao na mahihirapan daw akong makahanap ng boyfriend o asawa dahil malaki akong tao. Baka raw maging mas matangkad pa ako sa mga lalake. Hindi maganda ang dating sa akin nun ng salitang six footer. Pwede nang masira ang araw ko pag naririnig kong sinasabi sakin yun.

Pag naglalaro ang mga kaklase ko ng Chinese garter, madalang akong sumali. Bukod sa nabibigatan ako sa katawan ko, minsan kasi hindi fair dahil maliliit sila. Para lang akong damulag na nakikipaglaro sa mga bata. Pag luksong-baka naman, ginagalingan ko talaga ang lukso, para hindi ako maging taya dahil once na nataya ako, mahirap na dahil  madalas matabig ng mga kalaro ang aking ulo pag lumulukso na sila.

Madalas din akong masabihan nun ng mga kamag-anak na wag masyadong magpapataba para hindi maging 'dabiana'. Isa pa ito sa mga salitang iba ang naging konotasyon sa akin habang lumalaki. Hindi nun alam kung ano ang 'dabiana', kung anuman iyon, alam kong malaking hayop/tao/bagay siya. College na ako nang malaman kong kong artista pala yung Dabiana, isang malaking babae.

Noon, kapag tmay tinutukso sa akin sa mga ka-klaseng lalake, ang sinasabi ko para magtigil lang sila ay magpatangkad mula sila dahil ayoko ng lalakeng mas maliit sa akin.

Ang mga pinaglumaan kong damit nun ay hindi agad napapamigay sa bunso namin o kaya sa mga pinsan ko dahil maluluwang pa sa kanina. Nung high school nga ako may mga bestida pa ako nung elementarya na nakakatago lang sa aparador, hindi na naipamigay, dahil wala na sa uso at hindi rin kasi mahilig sa "pambabaeng" damit iyong bunso namin.

Ang madalas kong kasama nun ay mga mas matatandang pinsan, kaya ang nangyari, kung anu-ano ang natutunan ko mula sa kanila.

Lahat nga daw sa akin ay 'advanced', physically speaking. Maagang nag-mature ang katawan, kaya feeling ko maaga rin magre-retire ang katawan ko. Kaya siguro ako nagmamadali sa buhay, dahil sub-consciously, may hinahabol akong deadline.

Kadalasan, sinasabi ng mga tao na gusto nilang bumalik sa nakaraan, sa pagkabata. Masarap daw maging bata, carefree, malaya, walang iniisip masyado. Ang pinoproblema lang ay kung anong lalaruin kinabukasan.

Pero ako, hindi. Masaya rin naman ang kabataan ko. Hindi ko lang siguro na-enjoy. Kung bibigyan ako ng pagkakataon, hinid ito ang period ng buhay ko na gusto kong balikan.

Popular Posts