Ronda Palengke

Biglang nagsisisigaw ang ale. Humarap sa amin habang patuloy na naglalakad, paatras, paakyat sa pataas na palengke. “Putangina niyo! Pinatay niyo ang anak ko! Mga putangina niyo!” Dinuduro kami.

Sa kabila ng pagkagulat, patuloy kaming naglakad. 'Wag daw intindihan yung baliw, sabi ng pulis na kasama namin. Kinakabahan ako kahit pa may kasama kaming pulis. Takot kasi ako sa mga baliw dahil may iba na silang realidad. Di na nila alam ang ginagawa nila. Maaari kaming masaktan ng ale. Di ko matantiya ang reaksyon ng dalawa ko pang kasama na nakatingin din sa ale. Ganito pala ang kakaharapin namin kung papasok kami sa mundo ng pagbabalita.

Maya-maya'y binuksan ng isa kong kagrupo ang hawak na kamera at palihim na kinunan ng video ang ale na patuloy pa rin sa pagsisisigaw. Ilang ulit ko siyang siniko upang itigil ang ginagawa pero hindi ito natinag. Tila hindi natakot na anumang sandali ay maaaring hablutin ang kamera. Ilang metro lang kasi ang layo sa amin ng ale.

“Pinatay niyo ang anak ko! Si tsip, yung nakaupo dun! Kasama ang iba pa! Kinuha niyo siya! Nilagay niyo sa sako! Tinapon dun kasama ng mga basura!”

Hindi tumitigil ang ale na hawak-hawak sa kaliwang kamay ang mga asul na supot na inilalako habang ang kanang kamay na nakaduro sa amin ay itinaas, tumuro sa isang direksyon. Paulit-ulit na isinisigaw ang tungkol sa pagpatay daw sa anak niya. Bawat tapon ng salita, may halong hinagpis at galit. Nagtitinginan ang mga nadadaanan naming nagtitinda at namimili. Ang iba'y sinisita sya, ngunit patuloy pa rin siya sa sinasabi niya.

Maya maya'y naluha ang ale, ngunit hindi tumigil sa pagsasalita. Nang makarating kami sa taas. Unti-unting nawala sa paningin namin ang ale na humalo sa maraming tao sa palengke. Lumiko kami sa pataas na daan, pabalik ng opisina ng kapulisan na nasa parehong direksyon kung saan nakaturo ang ale kanina. Masaya ang kagrupo ko habang pinapanood ang eksenang nakunan. Magagamit rin daw namin yun sa report na ginagawa namin.

Wala na ang ale ngunit malinaw ko pa ring naririnig ang kanyang paulit-ulit na sinisigaw, na nagsimula nang makita ang pulis na kasama namin.

Popular Posts