Magkano ang Boto Mo?

Ang setting ay isang mahirap na komunidad sa Maynila. Dala-dala ang isang timba, nag-iigib ako ng tubig sa isang kalawanging poso malapit sa intersection ng dalawang kalye. Marumi ang paligid. Maraming nakakalat ang mga basura. Karamihan sa mga tao sa paligid ay nakatingin sa isang direksyon. Sa isang kandidato sa pagkakonsehal na nangangampanya.

Habang nag-iigib ay tumingin ako sa pulitiko na may hawak na mikropono. Walang stage, walang mga upuan. Nakatayo ang pulitiko sa tabi ng dalang sasakyan kasama ang kanyang mga tauhan, na nakaharap sa side na marami ang tao. Hindi naman mapirmi ang mga taong paroo't parito. Ang iba'y tumitigil at lumalapit para makinig. Ang iba'y walang pakialam na dumadaan.


Maya-maya'y biglang nagsigawan ang mga tao. Parang nangangantiyaw, may hinihinging kung ano. Lumakas ang kantiyaw ng mga tao. Pilit ang ngiting naglabas ng wallet ang napapahiyang pulitiko at nagsimulang mag-abot ng tig-isang  daang piso sa mga tao, karamihan ay sa mga bata. Di ko maintindihan pero parang may tinatanong muna siya o may sinasabi sa mga tao bago iabot ang perang papel.

Puno na ang timbang dala ko. Bumubwelo para buhatin nang makitang may sinasabi ulit ang pulitiko. Nagtaas ako ng kamay kasabay ng ilan. Napatingin siya sa direksyon at tinawag ako palapit. Kahit hindi ko alam kung anong meron, lumapit ako. Inabot sa akin ng pulitiko ang nakatuping perang papel na luma at marungis. Tinanggap ko ito at nagpasalamat. Wala palang tanong-tanong. Ang rule ay simple lang: magtataas ng kamay ang mga taong andun at bahala na ang pulitiko kung sino ang bibigyan niya ng pera.

Pagkatalikod, tiningnan ko kung magkano ang binigay sa akin. Akala ko P100 pero kasama pala nakatupi ring isa pang P100 at isang P200 piso.. Bale P400 ang binigay sa akin. ang bait naman ng pulitiko at ang swerte ko dahil yun na pala ang huling pinamigay niyang pera.

Popular Posts