Polaris Fail

Iniwasan kong sumakay sa Florida kasi feeling ko masyadong matagal ang biyahe nila paluwas ng Maynila. Marami kasing bus stop. Marami namang ibang options kaya sinadya kong hindi magpareserve kahit pa punuan na naman sa mga bus dahil tulad ko magsisiluwas na ulit ang mga taong nagsiuwian sa kani-kanilang probinsya para bumoto.

Saktong may nag-aantay na dalawang bus nang pagkababa ko ng traysikel papunta sa sakayan. Yung nasa unahan ay Florida at nasa likuran nito ang isang North Star. Ibang bus ang balak kong sakyan dahil yun ang sinugest ng kaibigan ng nanay ko pero dahil andun na rin, sumakay na lang ako sa North Star tutal marami pa namang bakante.

Sa pinakaharap ang binigay na pwesto sakin. Natuwa ako. Mukhang okey dito ah. Sana nga mas mabilis kaming makarating sa Maynila kasi nung nakaraan (sa Florida ako nun), inabot kami ng matinding trapik pagdating sa Maynila.

Pero hindi pa man kami nakakalayo sa sumunod na bayan, mukhang nagkaaberya na. Napalakas ang bagsak ng bandang likuran ng bus nang may madaan itong malalim na lubak sa daan. Bumaba ang drayber para tingnan kung anong nangyari. Nung una'y mukhang wala naman pero habang sinusubukang muling paandarin ang bus, nalaman na nasira umano ang airbag nito. At kelanagan ayusin agad.

Wala pang trenta minutos ang nalalakbay namin. Baguhan siguro yung drayber, komento ng isang pasahero. Kasi dapat talaga lilihis ka dun kasi may malalim na butas dun sa tulay. Alam ko yun kasi nagdadrive din ako at dumaadaan ako diyan. Hindi niya kabisado ang daan. At ayun nga stranded ang drama namin.

Dahil may araw pa, pinili kong sa loob na lang ng bus, magpalamig, ng ulo. Sa pag-aakalang aabutin lamang ng trenta minutos hanggang isang oras ang pag-aayos sa sira.

Sa lahat talaga ng ayoko ay yung pinaghihintay ako. Para sakin ang polite na pag-aantay ay limang minuto lang. Pag lumampas ka dun, hindi na ako natutuwa. Ayoko kasing nauubos lang ang oras ko sa wala. Nasisira ang mga plano ko. Pinili kong dito sumakay dahil umaasa akong mas okey ito kesa dun sa dati kong sinasakyan. Kung maglalagay sila ng biyaheng galing Aparri, siguraduhin nilang hindi pumapalya dahil ang Florida wala pang record na ganyan. Hindi sila nasisiraan sa daan, komento ulit ng pasahero. Tulad ko, ito raw ang unang beses na sumakay siya sa North Star.

Limang Florida, isang Ballesteros Bus Line at dalawang North Star na ang dumaan. Sana pala hindi muna ako nagbayad agad para pumara na lang ako ng ibang bus. Eh di sana hindi ako na-stuck sa Lallo. Nakadalawang pelikula na rin, sa loob ng bus pero hindi pa rin tapos sa pag-aayos ang mga drayber at konduktor. Karamihan sa mga pasahero ay tila nag-eenjoy sa pangatlong pelikulang nakasalang sa DVD player.

Palubog na ang araw. Dalawa't kalahating oras na pala ang lumipas. Bumaba ako ng bus dahil hindi na kayang palamigin ng aircon ang ulo ko. Nagsasalita na ako mag-isa. Sa hangin sinasabi ang galit. Ang hindi ko pa magets ay kung bakit sa lahat ng pasahero, parang ako lang ang hindi maganda ang timpla ng mukha. Baka nanalo yung mga kandidato nila, pabirong sagot ng katext ko sa sumbong ko.

Nakadagdag pa sa galit ko ay hindi man lang nag-offer ang mga drayber/konduktor na itransfer kami sa iba nilang bus o ibalik ba ang pamasahe para makasakay sa iba ang mga hindi makapaghintay. Ang dating ay hindi nila inisip na may pasahero silang naghahabol ng oras. Ni hindi sila humingi ng pasensiya sa napakatagal na pagpapaantay sa mga pasahero.

Sa wakas aalis na sila, narinig ko mula sa isang bata nang paakyat na ako sa bus. Akala ko dahil mahigit dalawang oras delayed ang biyahe ay babawasan na lamang ang oras na nakalaan sa mga stop-over. Pero mula, mali ako. Nalaman ko na mas marami pa pala silang bus stops kesa sa anumang bus na nasakyan ko ever.

Sa araw na ito nga, unang beses na pumasok akong late sa opisina.

Popular Posts