Kwento ng Isang Manunulat

Hindi ka magiging writer.

Kahit malayo ako sa kanya, alam kong nagtakip siya ng tenga. Naririnig niya pa rin daw ang mga salitang iyon. Umaalingawngaw pa rin ang tinig sa bawat sulok ng kanyang silid kahit pa milya-milya na ang layo niya sa lugar kung san niya iyon unang narinig. Kung paano ang pagkakabitaw sa mga salitang iyon, ganoon pa rin ang narinig niya. Mabilis. Diretso sa punto. Tagos sa puso.

Umaga. Unang klase. Unang araw ng pasukan para sa unang semestre sa ikalawang taon niya sa kolehiyo. Excited siyang pumasok noon dahil ang papasukan niya'y hindi lamang ordinaryong klase na kailangan niyang kunin para sa kurso, ito'y isang na matagal na talaga niyang gustong kunin.

Pitong taon na pala ang nakalipas mula nang marinig ko ang makadurog-puso niyang kwento. Maluha-luha siya habang isinasalaysay iyon sa akin. Pero pinigilan niyang umiyak. Kilala siya ng mga tao sa kanyang katatagan, hindi basta-basta bumibigay. Pero nang mga sandaling iyon, ramdam ko ang pagguho niya kasabay ng isa sa kanyang mga pangarap.

Idol kita eh. Parati ko itong naririnig sa kanya tuwing binabasa niya ang mga tula at kwentong sinulat ko. Ewan ko ba kung bakit siya nabibilib sa mga sulat kong kung tutuusin ay ordinaryo lang naman. Kung tutuusin kaya niya ring sumulat nga mga ganoon. Pero mas pinipili niyang kausapin na lamang ang kanyang kulay-rosas na kwaderno. Madalas, mas pinili niyang ikulong na lamang sa mga pahina ng kwadradong kwadernong iyon ang bawat salitang iniluwa ng kanyang pluma.

Alam ko balang araw makikita ko na lang ang pangalan mo sa isang libro sa bookstore. Ito naman ang madalas sabihin ng isa naming kaibigan na siyangmadalas niyang pinapabasa ng kanyang mga katha. Oo naman. At mababalitaan niyo na lang na nanalo ako sa Palanca. Puno ng pangarap na isasagot niya.

Isa sa mga pinakamatinding frustrations niya ay ang maisulat ang kwento ng kanyang buhay. Madalas niyang sinasabi na madrama ang kanyang buhay at kung ano ang aming nakikita sa kanya'y resulta ng lahat ng pinagdaanan niya.

Mag-artista ka na lang, biro sa kanya ng isang kaibigan. Magiging magaling ka siguro kasi marami kang pinaghuhugutan. Na sinagot niya lang ng: Siguro.

Makwento siyang tao pero ni isang beses, wala kaming narinig kahit man lang pasilip tungkol sa kanyang naging buhay bago namin siya nakilala. Baka kayo pa ang magbreak-down pag narinig niyo ang kwento ko at saka niya iniiba ang usapan.

Tol yung diary ko nasa box sa ilalim ng kama. Andun din yung susi nun. Kung anuman ang mangyari sa akin. Gusto ko ikaw ang magbubukas at magbabasa nun. At isulat mo ang kwento ko. Hindi raw niya sinagot ang text na iyon ng kanyang bestfriend. Bukod sa alam niyang hindi naman talaga magpapakamatay ang kaibigan niya, nainis lang daw siya sa ipinapakitang kahinaan nito. Last month lang daw kasi ang sabi nito sa kanya'y: Tol pag ako kinasal gusto ko ikaw ang magsulat ng kwento namin ng mapapangasawa ko. Kilala mo naman kami pareho at alam mo ang istorya namin. Tuwang-tuwa daw siya noon, dahil kahit paano may naniniwala sa kanya.

Naniwala siya nang sinabi ng kanyang guro na, a great nation has great writers. Naniniwala siyang malaki ang nagagawa ng pagsusulat sa pagsulong ng bayan. At naniniwala siyang malaki ang nagawa ng pagsusulat para makalaya noon ang Pilipinas mula sa mga dayuhan. Idol ko si Rizal eh. Proud na proud siyang sabihin iyon tuwing nababanggit ang kabayanihan ni Rizal o kung nagdedebate sa kung kaninong effort ba ang mas nanaig para makalaya noon ang Pilipinas.

Gusto kong maging journalist. Hindi na ako nagulat nang sinabi niya sa akin iyon. Sa pagkakakilala ko sa kanya, inaasahan ko nang mangyayari iyon. Nakikita niya ang bawat oportunidad na dumarating at sinusubukan niya ang bawat bagay na sa tingin niya'y kaya niya. Gusto ko kasing magsilbi sa bayan, kung ito ang paraan para matupad ko iyon, pagbubutihin ko na. Maiiba na ang tatahakin ko. Siguro hindi talaga ako para sa literatura. Magiging tagahanga na lamang ako. Pero okay na rin sa akin yun, makakapagsulat pa rin naman ako. Natuwa ako sa bago niyang adhikain.

Hindi ako magiging journalist. Hindi ko inaasahan ito mula sa kanya. Ayaw kasi ng nanay ko. Delikado daw kasi. Yun yung mga panahong kabi-kabilaan ang pagpaslang sa mga mamamahayag. Sa katunayan isa na ang Pilipinas sa mga pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag. At ang kasalukuyang administrasyon ang may pinakamaraming bilang ng mga napaslang na mamamahayag.

Labag sa loob niya yun pero ayaw na raw niyang bigyan pa ng pasakit ang kanyang nanay dahil namatayan na siya ng tatay. Tutal naman daw ay gusto niya ring gumawa ng ibang bagay, tulad ng paggawa ng pelikula. Dun na lamang daw siya magpo-focus pagkagradweyt. After all, mukhang sa creative pa rin ako babagsak, makakapagsualt pa rin ako ng script. Pinilit niyang haluan ng tuwa ang tinig. Ngunit wala na doon ang enthusiasm na dati'y kasama kapag nababanggit niya ang pagsusulat.

Pero sadyang hindi niya kayang ikulong ang sarili isang bagay kung saan hindi ganap ang kanyang kaligayahan. Lumipat siya sa isang lokal na publikasyon. Nasa public service daw talaga ang puso niya. Nagpapakabayani ka, sabi ko nun sa kanya. Oo. Gusto kong maging bayani, nakangiting sabi niya. Kahit sa maliit na paraang alam ko, tutulong ako sa mga tao. Gusto ko bago man lang ako mawala sa mundo ay may maiiwan akong tatak. Kahit mawala man ako gusto ko maiiwan ang mga nagawa ko, para sa tao, para sa bayan. Ang cliché mo naman, sagot ko. Alam ko. Pero yun ang gusto ko. At iyon ang gagawin ko.

Nung unang beses na sinabi niyang gusto niyang maging manunulat, alam kong magiging manunulat siya. Nung unang beses niyang sinabing magiging journalist siya, alam kong magiging mamamahayag siya. Nung sinabi niyang ayaw niya ng ordinaryong buhay, alam kong matutupad ang adhikain niyang magsilbi sa bayan. Dahil ganoon siya. Magagawa niya ang bawat naisin dahil hindi siya naniniwalang may outside forces na pipigil sa kanya.

Hindi tulad ng mga kaibigan niya, kahit sino'y wala siyang napagsabihan na o nahingan ng pabor na isulat ang kanyang talambuhay o kaya'y basahin ang kanyang journal kapag wala na siya. Gusto niya siya lamang ang magsusulat ng sarili niyang libro. Masasabi kong nagtagumpay siya.

Sa inilagi niya sa mundo, nanindigan siya na siya mismo ang susulat ng sarili niyang tadhana. Naniwala siya na ang tao ang nagpapaikot sa buhay nito. Na hindi nakasulat ang tadhana ng isang tao oras na lumabas ito sa mundo. Ang tao mismo ang magsusulat ng tadhana nito habang tumatakbo ang buhay nito. Nakakalungkot lang dahil nagsisimula pa lamang siya sa mga unang kabanata ng kanyang buhay pero hindi na niya matatapos dahil nag-skip na siya ng maraming kabanata.

Ngunit wag siyang mag-alala dahil nakatatak na ang kanyang talambuhay sa bawat taong pinili niyang pagsilbihan.

Sa isang matatag, matapang at may paninindigan na kaibigan, kapatid, kasama, writer, journalist. Mananatili ang iyong alaala at magpapatuloy ang iyong kabayanihan.

Popular Posts