Balagtas

Five thirty two. Tsk. Ang aga pa. Pinilit kong bumalik sa pagtulog pero hindi nagtagumpay. Kahit gusto ko pang humiga, ayaw nang pumikit ng mga mata ko. Bumangon ako, kinuha ang tuwalya sa sabitan at bumaba.

Alas sais pa ako dapat magigising dahil alas sais naka-set ang alarm ng cellphone. Pero napaaga na rin lang ang gising, makapagluto na lang ng agahan.

Nagsalang ng tubig pangkape habang hinihiwa ang mga rekado para sa ginisang ampalaya. Ayaw mong pumasok? tinig ng babae mula sa kabilang bahay. Bakit ayaw mong pumasok? Paasik na tanong niyang muli. Ayoko! Mariin ang sagot ng batang lalaki. Boses ni Francis, ang batang kalaro ng pamangkin kong si Kean.

Kinuha ko ang ampalaya sa ref at sinimulan itong hiwain. Bakit ayaw mong pumasok, ha? Bakeeet? sigaw-tanong ng Nanay nito. May kasama nang pananakit ang pagtatanong ng kanyang Nanay. Humihikbi at sumisigaw si Francis. May hinahampas na kung anong bagay sa bata.

Ayoko! Ayokoooo! Giit ng umiiyak na bata, na lalo lamang ikinagalit ng kanyang ina. Tagos sa sementadong pader na namagitan sa mga bahay namin ang bawat hampas kay Francis ng kung anumang bagay na iyon.

Pumasok ka na kasi, tinig ng isang matandang babae. Tama na pumasok ka na, pang-aalo nito sa bata. Pumasok ka na. Wala ka nang masasagutan sa test niyan.

Ayoko! Ayokong pumasok! Patuloy sa pagrerebelde ang bata.

Bakit nga? Bakit ayaw mong pumasok? Ha? Kung kailan may test kayo saka ka hindi papasok?, mas malakas na sigaw ng nanay ni Francis kasabay ng paghampas sa bata ng kung anumang matigas na bagay na iyon. Na agad nilunod ng palahaw ni Francis.

Tama na kasi. Oh, heto ang bag mo. Pumasok ka na. Patuloy ang matanda sa pagliligtas sa bata mula sa marahas na ina.

Muling pinalo/hinampas ang bata. Naputol ang bagay na pinanghahampas sa kanya. Biglang humupa ang mga sigaw ng Nanay. Ang mahinang hikbi na lamang ni Francis ang malinaw na nairirinig mula sa kusina kinatatayuan ko habang hinihintay kumulo ang tubig.

Oh hetong bag mo, pumasok ka na kasi. Paano ka na makakapag-test niyan? mahinahon pa rin ang Lola ng bata.

Ayoko! Ayoko! Ayokong pumasok!

Tumigil ka na nga! Bugbog ka na eh! Hayan nagdudugo na yung ulo mo! Unti-unti na ring nauubusan ng pasensya ang matandang babae.

Ano ka ba naman! Naputol na yang hawakan ng tabo! Sinabi na kasing tama na eh! Inaawat hindi naman nakikinig! baling ng Lola sa nanay ng bata. Bahala nga kayo! Ikaw naman ang Nanay! 

Eh siya ang Nanay, anong magagawa ko, papalayong boses ng matandang babae.

Tama na kasi. Pumasok ka na, muli nitong binalingan ang humihikbing bata.

Halika ka na ihahatid na kita, boses ng lalake.

O, ihahatid ka na ng tatay mo. Kunin mo na tong bag mo, mahinahon na ulit ang matanda.

Halika na. Dali at may test ka pa. Nilunod ng pag-andar ng motor ang mahinang hikbi ni Francis. Sumipol ang takuri.

Popular Posts