Brownout Gawa ni Basyang

Kung hindi nagtext si Hendrix na may signal (bagyo) sa Baguio pero maalinsangan, hindi ko maiisipang bumalik sa kwarto para kunin ang payong bago ako bumaba ng hagdan at umalis papuntang trabaho. Hindi naman kasi umuulan nitong mga nakaraang araw at pampabigat lang sa bag ang payong kaya madalang kong dinadala.

At natuwa nga ako dahil paglabas ko nung hapon, medyo malakas ang ulan. Hindi sa masaya ako dahil umulan. Ang totoo, sa lahat ng pinakaayokong panahon ay ang tag-ulan dahil ayokong nababasa ang paa ko. Lalo na ngayon at sa kadiring kalye ng Metro Manila ako naglalakad. Natuwa lang ako dahil nagamit ko ang payong na dinala ko.

Nakakalat ang mga bata sa kalye nung pag-uwi ko. Kinansela pala ang klase sa elementarya kaya piyesta ang mga bata habang naliligo sa ulan.

Pagkatapos mag-dinner ay pumanhik na ako’t nag-internet. Paputol-putol at mabagal ang connection. Sinisi ko pa ang Chrome. Pero maya-maya nalaman ko rin ang tunay na dahilan ng pagbabagal ng connection nang tanungin ako ng landlady kung may internet daw ba ako.  Yung anak daw niya’y hindi makagawa ng assignment dahil walang net. Sagot ko’y meron pero paputol-putol. Actually sa Facebook okay na okay. Pero sa Plurk, sa Google, sa Twitter ay nagtotopak na. Kaya ako nafu-frustrate dahil hindi ako makapagdownload ng kopya ng Ang Lihim ni Antonio. Kaya maaga rin akong natulog.

Wala pa mang kalahating oras ang tulog ko, bumangon ako para magCR. Pagbukas ng pinto’y kadiliman ang sumalubong sakin. Kinuha ang flash light sa saksakan. Buti na-charge ko after gamitin sa pagbabasa kanina.

Brownout. Total darkness, masarap matulog neto.

Nagising akong nakabaluktot sa lamig sa ilalim ng kumot. Nung una’y ayoko pang pansinin. Pero sadyang nanunuot. Bumangon ako’t pinatay ang nakatutok na electric fan. At pinagpatuloy ang tulog. Dati-rati naman mainit pa rin kahit may electric fan.

Nagising akong muli sa tubig na tila winiwisik sa mukha ko. Ayoko sanang pansinin pero dumarami ang patak. Nun ko lang napuna ang sumisipol na hangin sa labas. Bukas ang bintana sa ulunan ng kama ko. Mabilis kong sinara ang salaming bintana at humigang muli. Pero nairita sa ingay ng hangin. Bumangon at isinara isa pang bintana malapit sa closet.

Saradong sarado na lahat. Wala nang papasukan ang hangin pero hindi tulad ng dati na parang pugon ang kwarto ko.

Humiga akong may ngiti sa labi. Bumabagyo. Ito ang mga panahong pinakamasarap matulog.
Nahirapan akong bumangon kinabukasan. Tinanghali nang gising at tinatamad pumasok. Kagabi’y maraming beses na-interrupt ang pagtulog. Brownout pa rin. Inisiip ko pano kaya kung brownout din sa Makati. Baka walang pasok. Hindi siguro. Central business district, hindi nila hahayaang walang kuryente dun kundi’y mapaparalisa ang maraming kumpanya. At saka brownout na nga sa bahay anong gagawin ko dito? Buti pa kung may kuryente sa opis, at least may internet. Saka wala namang text mula sa managers na walang pasok.

Paglabas ng bahay ay nagulat ako sa itinuro ng batang kapitbahay. Nabuwal iyong maliit na puno/malaking halaman sa harapan ng bahay. Ganun ba talaga kalakas ang hangin kagabi? A ang mga kalye ay larawan ng nagdaang bagyo.

Pagdating sa pinapasukan, gumagana ang elevator at may mga ilaw sa corridors pero pagdating sa mismong opisina. Walang ilaw. May mga kaopisina akong nadatnan. Nag-uusap lang dahil wala palang generator kaya wala ding kuryente sa opisina.

Pumunta ako sa station ko at nagsimulang magbasa. Buti na lang naisip kong magdala ng libro, kahit pano’y may gagawin habang nag-aantay magkailaw. Maya-maya’t inantok. Hinila ang isang upuan at saka ipinatong ang mga paa dito. Umidlip.

Nagising ako sa boses ng manager. Hayan, magagawan na ng paraan ang kawalan ng ilaw. Siguro’y papauwiin na lang kami nito tutal hindi rin naman kami makapagtrabaho at walang kasiguraduhan kung anong oras babalik ang ilaw.

Ilang oras pa ang nakalipas. Nag-lunch na’t lahat, nag-aantay pa rin ng opisyal na utos mula mga boss. Nagpalipas ng oras sa paglalaro ng Pinoy Henyo. Hapon na nang mapagdesisyunan na pauwiin na lang kami.

Pag-uwi ko sana may ilaw na sa bahay. Bah, mag-iisang araw nang blackout ah. Pero wala pa rin. Gabi pa raw magkakailaw.

Maalinsangan. Madilim. Kulang na lang ang mga kababata ko at ang mga horror stories namin habang nakatambay sa tabi ng kalsada. Kinuha ko ang laptop (buti may battery pa) at lumabas para makasagap ng kaunting hangin. Isinalang ang DVD ng Back-Up Plan. Oo pirata. Natapos ang pelikula, wala pa ring ilaw.

Pinili kong makipagniig na lang sa pinakamamahal kong kama.

Popular Posts