Cinemala[s]ya: The Cinemalaya 6 Experience of Iyyi & Kat

Si Kat at Iyyi, ang mga babaeng may Dalaw, tinanghali ng gising kaya di inabutan ang Two Funerals. Umasa sa Mefenamic Acid para matuloy ang panonood ng Sigwa. In-assume ni Iyyi na hindi magkakaubusan ng tiket dahil isang lingo na ang Cinemalaya pero pagdating sa CCP ay sold out na ang Sigwa, pati na rin ang ibang options. Buti na lang may Engkwentro at Mayohan pero halos maloka na sila dahil sold out din pareho kaya ang no choice choices nila ay Muli at Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.

Sa Muli, muntik nang hindi makaupo. Ang isa’y nagpapaka-bitchessa na kaya pinaupo sa upuan na para sa mga artista at importanteng tao. Nagsimula na ang film at biglang nagsidatingan ang mga artista, madilim naman hindi kayo makikilala, hindi mapapalayas sa upuan.

Oops! May 15 minute interval, lights on, oh no! Mapapalayas na, kapal kasi ng mukha eh. Pero hindi sila napalayas, ibig sabihin mukha silang...yes artista beybeh...LOLOLOL.

Ang araw na puno ng kamalasan, tama ka nga siguro Kat, masyado lang tayong maganda kaya may nagkabungguan dalawang dipa mula sa tin. Pauwi na lang sinundan pa ng malas. Babawi ang swerte satin bukas. Haha!









~~~

Sabado ang napag-usapan namin ni Kat para manood ng Cinemalaya 2010 sa CCP, walang oras na napag-usapan pero ang gusto kong panoorin ay ang pelikula ng pasado alas dose. Tinatamad akong bumangon nung umaga. Alam ko nang may something. At ang something na yun nga ay ang monthly period. Naku, lagot ako nito. Siguradong sasakit ang puson maya-maya lang.

Ginawa ang usual Sabado routine. Naglaba. Naligo. Kumain. At saka uminom agad ng gamot- ang huling Mefenamic Acid sa medicine cup. Bibili na lang paglabas para pag sumakit ulit ay prepared na.

Lampas alas dose na'y nasa bahay pa. Pinapalipas ang sakit ng puson. Okay lang kung yung Sigwa na lang mapanood ko. Mag-a-alas dos na nang maisipang lumabas na ng bahay. Naglakad papunta sa botika. Nagtext si Kat. Yi kung may madadaanan kang botika pabili naman ako ng Mefenamic Acid. Kahit medyo masakit pa ang puson ay natawa ako. Nagreply: Hahaha! Bibili talaga ako ng Mefenamic. Papunta na ako ng Rob.

Pagdating sa Rob. Tama nga ang hinala ko. Sabay pa kami nagkaroon. Nag-taxi na lang para hindi mahuli sa pagbili ng tiket para sa alas tres na iskedyul. Pero natrapik pa rin. Pagdating sa CCP, agad nagpunta sa bilihan ng tiket. Blockbuster sa dami ng tao.

Sold out na ang Sigwa. Whaaaaaaaaat?? Eh yung Mayohan. Sold out na rin. Yung 6 p.m. at 9 p.m. na lang po ang available. Sige yung Engkwentro na lang. Sold out na rin po. Haaaa? Eh ano na lang pala ang available? Muli. Ok, Pabili na rin ng Paglilitis. Sana okay itong Muli kasi alam ko yung setting nila, sa haunted house sa Crystal Cave sa Baguio.

Pila. Mahabang pilang walang kasiguruhan kung saang pintuan papunta. Mabuti't masipag magsipag-aatend ang mga artistang may mga pelikula doon. Kahit pano'y nabawasan ang pagkainip sa pila. Idagdag pa ang mga kakilala na kapareho rin sa hilig.

Pagdating sa loob, puno na ang teatro. Sandali lang po at pauupuin po muna ang mga bisita. Yung mga bakante ay para po sa media at sa mga artista. Eh bakit pa pala nagpapasok ng ibang tao kung wala palang uupuan? Sana hindi na lang nagbenta ng tiket! San na kami? Hay naku, ayokong lumabas, ibalik ang bayad o bigyan kami ng maayos na mauupuan. Ang ilan ay sa daraanan na sa gilid naupo para lang makanood. Ayoko nga. Nagbayad rin ako noh.

Ma'am magsisimula na po. Dito na lang po kayo maupo. Itinuro ang bakanteng mga upuan sa bandang gitna, katabi ng mga artista at mga bisita nila. Pakitanggal na lang po yung mga pangalan. Pagkaupong-pagkaupo'y tinanggal ko ang mga nakadikit na coupon bond sa sandalan ng magkatabing upuan. Kina JM Barrera at Arnold Reyes ang mga upuan. Teka may kilala akong JM Barrera ah! Iba siguro ito.

Nagsimula na ang palabas nang dumating si Sid Lucero, isa sa mga main actors kasama ang kapatid niyang si Max Eigenmann na gumanap rin sa pelikula at ang kaibigan nilang si Bernard Palanca. Naupo sila sa likuran namin ni Kat, si Max sa tapat ko at si Sid sa tapat ni Kat. Ang gulo lang ni Sid. Mukhang nakainom. Makulit, maingay. Naghaharutan silang magkapatid at nagkakantiyawan tuwing may mainit silang eksena sa pelikula. Manaka-naka'y yumuyuko siya. Nainggit ako kay Kat. Yun naman pala'y hindi niya alam na konting galaw lang niya pataas sa ulo niya'y mahahalikan na ni Sid ang noo niya. Sayang.

Pagkalipas ng ilan pang minuto'y may mga dumating pang mga artista at taga-media. Wala na silang maupuan. Kahit madilim ay nagtatakip ako ng mukha. Kasi anytime ay mapapalayas na talaga kami. Pero dahil siguro'y hindi naman alam ng mga marshalls kung sino ang papaalisin sa mga upuan, sa aisle na lang pinaupo ang mga bagong dating.

Nung magkaron ng fifteen-minute break, kinabahan ako, kasi'y bubuksan ang mga ilaw. Makikilala na kami! Mapapaalis na sa inuupuan! Pero hindi nangyari. Natapos ang napakahabang "draft" ng pelikula nang hindi kami napapaalis sa upuan.

Yung JM Barrera na dapat nakaupo sa upuan ko at siya ngang JM na schoolmate ko sa UPB. Katuwa lang kasi medyo mahalay din yung eksena niya doon. Infairness napaganda nila iyong haunted house. Hindi na siya mukhang nakakatakot.

Alam ko magaganda ang mga pelikula ni Direk Adolf Alix pero hindi kami nasiyahan Muli. Pano'y maraming boring moments, puro kahalayan na pwede na sanang tanggalin para umiksi. Sabagay it's "a work in progress naman daw" sabi ni Direk Alix. Halatang minadali at hindi polished dahil mayrooong dalawa o tatlong "cut!" na narinig sa buong pelikula. Ipapalabas daw ulit sa UP Diliman, baka maayos na nun.

Pagkalabas sa teatro, nag-sight seeing muna ng mga artistang nandoon. Sunod na papanoorin ay Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio. Gusto ko rin naman iyon mapanood, hindi lang dahil si Alfred Vargas ang gaganap na Bonifacio, kundi'y dahil mahilig ako sa History. Pero maya-maya'y napagdesisyunang wag na lang panoorin. At binenta ang tiket sa isang kakilalang nagkataon na andun din.

Babalik na lang bukas. Manonood na lang ng ibang pelikula. Yung Hay Pinhod Oh Ya Scooter mukhang cute. Ifugao kasi ang setting, parang yung Batad, sa Cinema One Originals din ang ganda nun!

Sige bukas na lang agahan na lang natin kasi may free showing din ng Ganap na Babae. Okay sige. Libre naman eh.

Naglalakad na lang papunta sa tawiran para sumakay ng dyip pauwi nang biglang may nagbanggaang taxi at kotse na halos isang metro lang layo sa amin. May mali talaga siguro sa araw na ito. Sana bukas tama na.



Popular Posts