Lion-Tiger

Ang naaalala ko dapat pupunta kami sa beach, outing ng pamilya, kasama ang iba pang kamag-anak. Parang maliit na piknik dahil may magandang nangyari.

Bago dumating ang araw na iyon, isinama ako ng tatay ko para makita ang lugar. Nagulat ako kasi hindi beach ang pinagdalhan niya sa akin. Kundi isang kabukiran sa likod ng mga bahay sa kapitbahay lang namin. Mula sa ‘labas’, sa likod lamang ng isang bahay, ay may pintuan papunta na mismo sa bukid.

Tag-init kaya tuyo ang palayan at may mga bakas pa ng nakalipas na anihan. Nagtaka ako, nasan ang beach? Itinuro ng tatay ko ang bukid, nakita kong sa maliit na pahirabang iyon na puno ng pinaggapasan at napapaligiran ng mga ligaw na damo, may maliit na dagat. Iisipin ko sanang ilog ito o lawa dahil nasa gitna ng kabukiran pero kulay asul ang malinaw na tubig at may mga maliiit na daluyong na nag-uunahan patungo sa kabilang dulo. Isang square na dagat. Naweirduhan din ako, pero ang sabi ko na lang. Pwede na yan, tutal kami-kami lang naman.

Araw ng outing. Andun ang tatay, nanay at kuya ko. Kasama namin ang isa kong pinsan na babae, kasama ang kanyang dalawang anak- isang dalagita at isang sanggol, at isang pamangkin. Pagdating sa lugar, dali-dali naming inilatag ang mga banig at inayos ang mga pagkain. Nang tumingin ako sa bukid, hindi na ito maliit na dagat kundi isa na lamang parihabang palayan ng kakatapos na anihan, tuyo, maraming dayami, puno ng damo at ang isang dulo’y pinaligiran ng fishnet. Noon ko napansin ang isang kulay orange na bagay sa kabilang dulo kung saan ko nun nakitang humahalik ang mga maliliit na daluyong. Nakita ko rin ang pagkagualt ng tatay ko nang mapatingin siya doon. May tigreng nakaupo sa pilapil! Pagkamangha at kaba ang nag-unahan sa dibdib ko. Bakit may tigre dito? Ang tatay ko na halatang natakot din ay tila natulala sa pagkabigla.

Pero hang totoo, hindi tigre iyong nakikita namin kundi isang leon. Isang leon na dinidilaan ang isa niyang paa. Mukha siyang tigre dahil may orange stripes sa katawan nito pero ang kanyang ulo na may pabilog na buhok sa mukha ang nagpamukhang leon dito.

Nag-isip kami ng pwedeng gawin. Ang una kong naisip ay umalis na agad doon. Pero gusto ng tatay kong ituloy ang outing, paaalisin na lamang daw ang tigre/leon. Nakita kami ng leon. Tumayo ito at nagsimualng maglakad patungo sa gitna ng bukid.

Ang sabi ko’y baka may mangyari lang masama sa amin kapag napagdiskitahan kami ng tigre/leon. Pinauna naming pinalabas ang kuya ko doon sa pintuan.

Naisip ng tatay ko na idistract na lang ang tigre/leon paalis para matuloy pa rin ang picnic. Nakita niya ang isang pusa, orange na pusa din. Kinuha niya ito at saka inihagis sa harap ng leon na nasa gitna na ngayon ng palayan, mas malapit na sa amin. Nagalit ito at umaktong lalamunin ang pusa. Pero hindi niya ginawa. Noon kami natakot, kami na ngayon ang pagbabalingan ng tigre/leon. Dali-dali kong pinalapit sa akin ang dalawang bata para palabasin na sila. Nakatawid na sa pilapil ang isa at napalabas na namin nang biglang may bumukas na maliit na pinto sa likuran ko. Lumabas ang isang tigre, sa pagkakataong ito, tunay na tigre. At lumabas pa ang maraming leon at tigre, ewan kung pano nangyari pero nakatawid sa pagitan ng mga iyon yung isa pang bata, iyong anak ng pinsan ko. Ang natitira na lamang ngayon sa bandang kaliwa ng palayan ay ang pinsan kogn kalong ang kanyang sanggol. Nagkahiwalay kami dahil sa pagitan namin dumaan ang mga tigre at leon.

Ang mga orange na hayop ay nagkalat na sa buong palayan. Sabi ng tatay ko’y lumabas na ako at humingi ng tulong sa mga kamag-anak ng pinsan ko. Ang sabi ko’y masyadong malayo ang mga taong binanggit niya at baka kung ano na ang mangyari sa kanila pagbalik ko. Lalabas na lang kami ang sabay-sabay sabi ko. Nanuna akong lumabas. Sumunod ang tatay at nanay ko pero sa kasamaang palad, naiwan doon ang pinsan ko at ang anak niya. Sa pagkakasara ng pintuan, narinig ko ang galit na mga tigre at leon sa loob/bukid. Ilang sandali pa’y tumigil ang ingay. Umiiyak akong lumapit sa pintuan. Iniluwa nun ang pinsan kong duguan, umiiyak din siya habang kalong-kalong pa rin ang sanggol na wala nang buhay.

Popular Posts