Nasaan Ako Nang Mamatay Si Cory Aquino

Dinatnan akong gising ng Agosto.Dahil ito sa halos kalahating araw na pagtulog. Tinulugan ang mga bagay na dapat tapusin. Ewan ko, feeling ko bigla na lang akong na-stress. Feeling ko kelangan ko ng isang total pahinga. Kaya sa kabila ng init sa loob ng kwarto, hindi ko pinigilan ang pagdating ng antok.

Nagising akong masakit ang ulo. Kumain, sa pag-aakalang maya-maya’y mawawala din ang sakit. Pero hindi ito nangyari. Malalim na ang gabi nang maisipang uminom ng gamot. At kumaing muli sa pag-aakalang ito ang magdadala ng antok.

Sabi nga ng isang kaibigan, mamaya maghahanap ka na niyan ng alak para makatulog. Sagot din ng isang sis sa Facebook status kong, “When you can’t sleep, eat” ay "shot." Sana nga. Namimis ko na rin ang ganung buhay. Yung iinom dahil hindi makatulog.

Dumating ang Agosto at ako’y gising na gising. Hindi ko alam kung anong meron pero tila maraming natuwa at nagulat sa pagdating ng Agosto. Sa iba, parang biglaan ang pagdating ng Agosto, hindi inaasahan. Ang iba naman, natuwa sa pagdating ng Agosto na tila pinakaantay nila.

Ano bang meron? Buwan ng Wika? Marahil sa mga mag-aaral ng hayskul at elementarya ito ang naisip nila, parang ako, ito kasi ang unang pumasok sa isip ko. Hindi ko rin alam kung anong meron sa buwan ng Agosto. Hanggang kanina nang marinig ang balita pagkatapos ng interbyu ni Boy kay Kris tungkol sa paghihiwalay nila ni James. Oo nga pala, unang anibersaryo ng pagkamatay ni Cory Aquino.

Ambilis ng panahon. Parang kelan lang nang magkulay dilaw ang Pilipinas sa pagluluksa sa pagkawala ng taong nagbalik ng demokrasya sa bansa.

Isang taong na pala ang nakaraan.

Lasing ako nang malaman ang balita. Isang malamig, mahamog at umaambong umaga, kasama ang iba pang mga kapatid, pasuray-suray na naglalakad paakyat sa Session Road, galing sa Volante, kung saan nagkape, kumain, nakitulog at nagpahinga nang kaunti. Pasigaw na nagkukwentuhan habang binabagtas ang kalye pabalik sa pinanggalingan upang sa wakas ay matikman ang tulog na pinagkait ng inuman nang nagdaang gabi.

Inumaga kami sa pag-inom. Hindi na bago sa kapatiran pero masasabi kong ang gabing iyon ang isa sa mga pinakamasasayang inuman sa buhay ko. Isa sa mga sandaling nakatatak na sa timeline ko. Marahil dahil na rin isa ito sa mga huling sandaling nakasama ko ang mga kapatid ko sa Baguio at siyempre, san pa nga ba kundi sa paboritong libangan of all time, ang pagwasak ng atay.

Nung nagdaang gabi, halos inubos na namin ang lahat ng Red Horse sa bawat bukas na tindahan sa Cabinet Hill at Engineer’s Hill. In-invade ang boarding house ng isang brod, maaga pa nung gabi, hanggang umaga at hindi pa sana aalis kung hindi pa pinalayas dahil sa sobrang ingay.

Paglabas namin ng bahay ay maliwanag na. Sa dami ng naimon na alak, tagos pa rin ang lamig na dala ng hamog at nagdaang ulan sa mga jacket na suot. "Pupunta tayo sa APO Park! Doon hindi bawal uminom!"

Dala ang isang kaha na naglalaman ng ilang bote ng Red Horse grande, naglakad kami papunta sa parke. Lahat nakainom, bagamat may ilan na matino pa, nandaya siguro, hindi ininom ang tagay nila. Pagkaakyat sa hagdan palabas ng iskinita kung san nag-inuman, "Ate shot mo na!" Nagulat ako. "Aba dispersed na tayo ah! Pano mo nalaman na ako na!" "Alam ko ang ikot 'te!" Sabay abot sa akin ng tanggero ng babasaging baso na nagsilbing shot glass. "Ate shot mo na!"

Naglakad pababa. Umiikot ang shot habang naglalakad, pababa ng Cabinet Hill, papuntang South Drive.

"Galing kami diyan kagabi!" Sa daan ay napagtripan ang mga waiter sa isang bar. Mukhang kakasara lamang ng bar dahil naglilinis pa lang ang mga waiter. Doon ang warm up shot namin kagabi.

Basa ang dap-ay sa APO park pagdating namin. Hindi ko sigurado kung may naglabas ng dyaryo o pahina ng notebook o papel na inupuan namin o kung naupo na lang kami sa basang sementadong upuan. Basta ang alam ko’y nagpapunta ng mga aplikate para magdala ng dyaryo, para sa bonfire dahil sa sobrang lamig. Kawawang mga aplikante, napilitang gumising sa lamig ng alas sais para lang sundin ang pinagagawa ng mga lasenggong pinili nilang maging kapatid.

Lasing na kami. Sobrang lasing. "Naiihi ako," sabi na isang brod, tumayo at humarap sa kalsada sa may mga nagdaraang sasakyan at doon mismo umihi.

May isang nainggit kaya sumabay din. Pinagtitinginan ng mga nagdaraan pero walang silang pakialam. Kami nama’y nagtatawanan na lamang. Tinatawanan ang kalasingan. At iyong dalawa'y lumapit pa at pinagyayabang ang mga etits nila.

Hindi ko na maalala kung pano naubos ang alak. Naaalala ko na lamang tumatawid kami papuntang SM dahil sabi ko’y magkape kami sa Volante dahil doon may free refill. Naglakad pababa ng Session, lasing, maingay.

"Ate, ate tara na po." Nagising ako sa tapik sa likod. Nakatulog pala ako. Hindi ko maalala kung nakailang higop ba ako sa kape bago bumigay.

Malamig sa labas, na sinabayan pa ng mahinang ambon. "Patay na si Cory!" Sigaw ng isa sa amin. Nabasa niya sa dyaryo na binebenta sa bangketa. Dala siguro ng kalasingan kaya hindi ako nagulat. Parang ordinaryong balita lang ang narinig. Nasabi ko pa nga, "Yung inuman natin! Para iyon kay Cory!"

Hindi ko kasi maalala kung may nabalitaan akong malapit na siyang mawala. Pagkakatanda ko lang ay malubha siya pero malayo pa sa kamatayan. Ang mga huling araw niya pala sa mundo’y ang mga huling araw ko rin sa Baguio. Habang kami pala’y umiinom at nagpapakasaya, nasa ospital siya kasama ang pamilya niyang sinusulit ang bawat sandaling humihinga pa siya.

Paggising ko bandang alas diyes, inalam ko kung totoo ba iyong huling naaalala ko bago matulog na patay na si Cory. Oo daw. Laman nga ng mga balita. Hindi panaginip o guni guni o dala ng kalasingan ang balitang iyon.

Habang ako (at sigurado ang mga kasama ko rin) ay nakipagbuno sa matinding hang over, sa amoy-red horse na ihi at pawis, isa sa mga araw na isinumpang hindi na muling iinom, isa sa mga araw na pakiramdam ko'y mamamatay na dahil sa sobrang alak, bumuhos ang matinding pagmamahal ng nagluluksang Pilipinas sa isang Cory Aquino. At siyempre ito ay narealize ko lang nang mga sumunod na araw na wala na sa ilalim ng espiritu ng alak.

Popular Posts