Para sa Lotto

May kilala ako. Pauwi na siyang galing opisina. Umuulan at wala siyang payong. Hindi siya nagdala kasi'y nabibigatan siya sa dalang laptop.

Paglabas ng gusali kung san siya nagtatrabaho, mahina pa ang ambon, kaya sugod lang siya. Nagtungo sa antayan ng dyip. Punuan ang mga dyip at marami ring tulad niya'y naghihintay ng masasakyan, sa bawat kanto.

Naglakad siya patungo sa kabilang kanto, umaasa na mas madaling makakasakay doon. Pagkalipas ng ilang sandali'y lumakas ang ambon. Bumalik siya sa kantong pinanggalingan. Magde-detour na lang tutal maaga pa. Pupunta na lang muna siya ng Ayala at bibili ng earphones tutal may oras pa naman. Ngunit punuan rin lahat ng dumadaang bus at dyipni.

Lintik na ulan talaga oh, madulas ang daan, binabaha ang mga kalye kaya bumabagal din ang daloy ng trapiko. Tumawid siya papunta sa kabilang kalye, sumilong saglit, tinatantiya kung napasok na ba ng tubig ang laptop bag at saka muling nakipagsiksikan sa mga tao papunta sa kabilang kanto. Baka doon, makakasakay na siya.

Mahina lang ang ambon pero ang nakakabasa talaga ay ang mga tulo galing sa mga nagbabanggaang payong nga mga nag-uunahang tao. Tuwing tag-ulan, nagmumukhang malaking libing ang mga kalyeng dinadaanan ng mga tao, lalo na sa Maynila. Halos lahat kasi ng payong ay kulay-itim.

Kaya tuwing bumibili siya ng payong ay hindi itim, kundi iyong naiiba ang kulay sa karamihan ang pinipili niya. Ang kanyang kulay yellow green nga na payong ay hindi niya dinala. Ilang beses na 'tong nangyari sa kanya. Tuwing nagdadala siya ng payong ay hindi naman umuulan, pampabigat lang sa bag. Kaya tuwing wala siyang dalang payong, saka naman inuulan.

Pagkatapos ng ilan pang sandali, nakasakay din siya. Salamat sa mga madiskarteng dyipni drayber. Nakasakay siya at ang marami pang commuters dahil may isang dyip na iba naman ang biyahe pero umikot para maghataid na lang ng dumaraming pasaherong nag-aantay para sa ibang biyahe.

Halos kalahating oras ang inabot ng biyahe mula sa Buendia papuntang JP Rizal. Usad-pagong ang mga sasakyan dahil baha na sa kahabaan ng Pasong Tamo.

Nakasakay naman siya agad sa pangalawang dyip pauwing Maynila. Halos hindi rin umuusad ang mga sasakyan sa kahabaan ng Tejeron. Nasa kanto na sila ng Pedro Gil nang magpa-gas ang dyip na sinasakyan niya sa Petron. Palabas na ang dyip sa gasolinahan nang bigla itong huminto. Namatay ang makina, akala niya at malamang ng iba pang mga pasahero ay pinatay ng drayber dahil naka-red light pa naman ngunit umuusad na ang mga sasakyan sa harap nila'y nakatigil pa rin ang dyip. Red light na ulit, hindi pa umaandar ang dyip. Sinubukan i-start ng drayber, ayaw kumagat. Ilang subok pa, wala pa rin. Pinalabas ng drayber ang kanyang kasama at pinatingnan ang makina ng dyip, pero wala ring nangyari.

Tulad niya'y naiinip na ang ibang pasahero. Alas syete y media na. May klase pa siya ng alas otso. Mukhang mali-late na naman siya.

Teka! Teka! Miyerkules nga pala ngayon! Tama may bola ngayon! Tataya pa pala siya sa lotto! Naku naman, wala na siyang oras. Sa isip niya habang nakatigil ang dyip ay sari-saring bagay: wag na lang tumaya, pero pano kung may makakuha nung jackpot ngayon, pano kung mahulaan niya yung 6 number combinations, pero malamang mali-late na siya sa klase. Okay lang, ano ba ang sisenta pesos kung mapanalunan niya ang 375 million?

Eh, kung maglakad na kaya siya papunta sa pinakamalapit na lotto outlet? Hassle, umaambon pa. At medyo malayo ang lalakarin niya kung sakali. Antayin na lang niyang ibalik ang pamasahe at saka sumakay sa ibang dyip. Ngunit ayaw ibalik ng drayber ang pamasahe nila. Ito na lang daw ang papara ng dyip na lilipatan ng mga pasahero nito.

Andami nang dumaan na dyip, lahat hindi pinapansin ang pumapara. Sa wakas may pumayag na, lilipat na lang daw sila at ang drayber na ang bahala sa bayad. Pagkapasok at pagkaupo ng lahat, "Forty nine lahat!" Nag-abot ng bente ang kasama ng drayber na pinanggalingan nila. "Bente? Pito yun tapos bente lang?" Asar-tanong ng drayber na nilipatan nila. "Balik, balik..." Sabi nito, "Bente lang, andami nito!" Hindi niya alam kung magkano ang dinagdag sa bayad para lang umusad ang dyip. Sa wakas.

Pero na-stuck lang din ulit sila sa trapik dahil sa maling diskarte ng drayber. Sa halip na mapadali ang biyahe dahil sa short cut, napatagal pa lalo dahil may mga ayaw magbigay-daan.

Sa wakas, nakausad din, pagkatapos ng halos labinlimang minuto. Bumaba siya sa lotto outlet na pinakamalapit sa kanila. Umaambon pa rin. Kumuha ng siya ng card, nag-shade ng number sa katabing tindahan, sinilid sa loob ng bag ang card at saka pumila.

Habang pumipila sa ilalim ng ambon, sa isip niya'y isang pabirong-hiling: Lord ngayon niyo po patunayan na hindi totoo ang kasabihang "Bad luck comes in three."

Popular Posts