Sa Ika-Dalawampu't Limang Anibersaryo ng People Power 1

Click for larger view
Anibersaryo ng EDSA People Power 1 at gusto kong makiuso. Makikiepal lang.

Pebrero 25, 1986, hindi pa ako nabubuo. Sa malayong probinsya ng Cagayan nakatira ang mga magulang ko at ang wala pang isang taong gulang na kuya ko. Wala akong maalalang nakwento nila tungkol sa Martial Law maliban sa, “may curfew kaya hindi pwedeng magpagabi.” Kahit pa ang lolo na mahilig magkwento ay wlang nabanggit tungkol sa panahong ito.

Oo, sa elementarya ay tinuturo sa asignaturang Kasaysayan ang tungkol dito, pero maliban sa mga dates na kailangang imemorize, wala naman talaga akong naintindihan tungkol sa Batas Militar at People Power. Kahit pa nagkaron na ng EDSA Dos nung Grade VI ako, pro-Erap pa ang buong section namin nun at hirap na hirap iexplain ang adviser namin kung bakit hindi kami dapat kumampi kay Erap. Sorry na talaga.

Hindi ko maalala kung kelan sa high school tinuro ito. Basta naliwanagan na lang ako tungkol sa Martial Law at People Power nung nasa kolehiyo na ako kung kailan nahilig ako sa mga babasahing konektado sa First Quarter Storm at sa kasaysayan ng Pilipinas as a whole. Natuwa ako sa literatura na tungkol sa Martial Law, at bumilib sa mga nagsulat nun. Paborito ko ang “Tutubi, Tutubi Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe” at “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes at “Dekada Sitenta” ni Lualhati Bautista.

May mga sandali na naiisip kong baka maunlad ang Pilipinas kung nagpatuloy sa pamumuno si Marcos. Magaling daw kasi siya bilang lider, matalino kasi. Pero nagbabago ito tuwing naiisip ko ang mga nakaw na yaman nila, na dito nagsimulang malubog sa utang ang Pinas. May mga panahong nahihiling ko na sana kamay na bakal na lang ulit ang iiral sa Pinas para magtino ang mga tao, pero nagbabagong-isip ako pag naiisip ko ang dami ng human rights violation noong panahong iyon- walang kalayaan ang mga tao.

Kahapon nang mapadaan ako sa museo sa Greenbelt, nagmamadali akong makabalik sa opisina pero dahil napansin kong may ilang taong nakatigil sa labas, nakitingin na rin ako. May mga malalaking litratong nakadikit sa dingding na salamin. Mga larawang kuha nuong EDSA 1. Iniisa-isa kong tingnan ang mga ito. Mababaw lang talaga ang luha ko at muntik na akong mapaiyak ng ilan sa mga litrato. Bilib talaga ako sa katapangan ng mga tao sa EDSA 1.

Kaninang may napanood akong video mula sa PCIJ, mga estudyanteng ininterbyu tungkol sa nalalaman nila sa EDSA People Power 1. Napamura ako dahil karamihan sa kanila’y walang alam tungkol dito. Hindi ako nagmamarunong pero nakakaasar pala talaga pag nakikita mong may mga Pinoy na ignorante sa EDSA 1.

Hindi na ako magtataka kung after 10 more years ay hindi na talaga alam ng kabataan kung anong ginugunita tuwing Pebrero 25.

Popular Posts