Breha

Over lunch, napag-usapan namin ng mga kaopisina ko ang tungkol sa fireplace. Mula sa usapang electric stove na di ko alam kung san nanggaling dahil ang topic namin talaga ay mga pari.

Eh, di hayun nga kasi nagtanong sila kung yung mga bahay daw ba na natirhan ko nung nasa Baguio pa ako ay may fireplace. Technically, isa lang sa pitong bahay/boarding house/apartment na tinirhan ko dun ang meron, siyempre ang paborito ng lahat, ang Kukilandia. Yung ibang tinuluyan ko kasi mga units lang so malamang walang fireplace, siyempre all the good stuff ay nasa main house ng mga panginoong may lupa. Pero ang blog na ito ay hindi tungkol sa fireplace. Gusto ko lang alalahanin ulit, sa tulong ng aking lumang journal yung mga naging kanlungan ko sa Baguio. Tig-isang entry bawat bahay dahil mukhang magdadaldal na naman ako. Unahin ko ang Breha.

Sa UP Breha  ako tinapon ng nanay ko nung bagong salta ako sa Baguio (UP Baguio Ladies Dormitory pero Breha dahil sa lumang pangalan nito na Baguio Residence Hall). "Tapon" na talaga ang tawag ko dun pero hindi negative yan. Wala naman talaga akong balak mag-dorm. Nung nagpapareserve ang pinsan ko hindi ako sumama kasi naisip ko magboard na lang kasi mahigpit pag dorm. Pero syempre, wala kaming kamag-anak sa Baguio at kaming magpinsan lang ang magiging magkasama doon, siningit ako sa reservation. Puno na sila at hindi na tumatanggap ng applicants pero natanggap  pa rin ako. Lakas!

Sa Breha ako tumira ng isang taon, sa lumang dormitoryo na may tatlong palapag. Sa second floor ako napunta, kasama ang pinsan ko at isang sophomore at isang senior na parehong Anthropology majors. Sabi na mga senior dormers, usually daw ang pinagsasama sa room ay yung mga pare-pareho ng majors. Mas madali nga naman yun pag kelangan nilang mag-aral. Pero ako, naligaw sa room na ito dahil yung tatlo ay Social Sciences at ako ay Communication.

Room 202
2nd Floor fire exit
(Sa likod ng Breha, sa may fire exit ay may mga ligaw na sayote. Dahil di naman pwedeng magluto sa dorm, nabubulok lang yang mga yan. Masarap tumambay dito, lalo na sa hapon kasi ma-berde ang view. At medyo tahimik.)

Freshman year. Kung tutuusin tama naman talaga ang desisyon ng nanay ko na sa drom muna ako dahil bago lang ako sa Baguio. Mas mapapalagay ang loob nila dahil guarded ang dorm at may mga managers na nagche-check sa mga dormers. Pero nagkataon na nung  freshman ako ang panahong maligalig ako. Ito yung panahong finifeel ko masyado ang newfound freedom. Walang katulad ang buhay na walang magulang na makikialam sa bawat lakad, lalo na pag feel na feel mong nasa edad ka na, kahit bata ka pa naman talaga. Nung mga unang araw pa lang dun, may mga nakilala akong first year din na naho-homesick, nag-iiyakan. Tas ako, hindi ako manhid pero hindi ako agad na-homesick. Na-ho-homesick lang naman ako pag walang makain, pag tinatamad maghugas ng plato, maglaba ng undies, maglinis. Ang sama ko talagang anak, noon. :D

Ilang buwan palang gusto ko nang lumabas sa dorm. Pag iniisip ko ngayon, pasaway pala talaga ako noon. First year pa lang andami nang na-break na regulations (dorm kasi). Yung iba sinadya ko para may dahilan na hindi ako tanggapin sa susunod na sem pero hindi rin nag-work. Ewan ko ba. Siguro nakita nila Manang Carmen at Manang Ofel (dorm managers) na mabait naman talaga akong bata. Haha! Tahimik, loner, introvert, hindi nakikipag-socialize sa mga dormmates. Wala naman akong masyadong ginawang mga kalokohan doon, maliban sa gulo/away with a roommate (actually kaming roommates plus Rm. 208 vs. isang roommate namin), sa pag-absent sa mga dorm events dahil pinipiling um-attend sa ibang events, sa parating pag-uwi ng lampas sa alas otso na curfew, sa pagsali sa mga orgs (hindi nila ine-encourage for freshmen), pero sa maliban sa mga to, wala na talaga, wala na akong maalala. Eh, di ayun nga, andun pa rin ako ng second sem. Di bale okay din naman sa dorm. Mura ang upa, hindi kailangan maglaba at magluto at isang kalsada lang ang pagitan sa campus. Pwedeng-pwedeng umuwi para matulog pag walang klase. Pag may kailangan ipasa, kahit di na una maligo at magbihis (tutal di naman yan halata sa UP) tatawid lang nasa campus na. Pwedeng 5 minutes before ng klase ka lang lalabas ng dorm at di ka male-late sa klase.

Pink Christmas, sa may canteen sa baba ng Walk-Up
Sa garden sa labas ng Breha
Ano bang mga highlights ng pagtira ko dito. Siguro yung creatures na mahilig mang-istorbo ng tulog. Yung kama kong unusual ang lamig any time of the year. Sa may bintana kasi siya pero kahit isara ang binatana, malamig pa rin. Nung first sem ko nga hindi ko yung tinutulugan, tumatabi ako sa kama ng pinsan ko. Sabi nga ng mga roommates namin nun pwede pa raw kaming tumanggap ng isa pang occupant at kahit daw hindi ako magpalaba ng bed sheet nang ilang buwan dahil di naman nagagamit. Pero bigal ko lang narealize na baka tulugan ng mumu yun pag di ko natutulugan. Kaya sinanay ko ang sarili na matulog doon. Eto naman, parati akong binabangungot. Dito ako natutong gisingin ang sarili pag nananaginip at gusto nang magising pero hindi magising. Basta ganun, yung tipong tulog ka, pero yung isip mo gising. Alam mo yung nangyayari, naririnig mo yung mga tao sa paligid pero para sa kanila, tulog ka. Yan ang madalas mangyari sa kin nun. Mahilig kasi akong matulog eh, walang pinipiling oras. Natuto akong kausapin ang wala, kung meron man ay hindi ko nakikita. Pag matutulog may hawak na rosary, maliban pa dun sa nakasabit sa rosary sa isang kanto ng kama. Marami pa akong ganyang istorya pero tinatamad na akong ikwento. Isa lang naman ang hinihiling ko nun tuwing may nagpaparamdam, na huwag mabuksan ang third eye ko. Okay na sakin yung nakakaramdam at nakakarinig lang, wag lang makakita. Nakita ko kung anong pinagdaanan nung pinsan ng roommate ko, halos mabaliw dahil kung ano-anong nakikita.

Second Floor
2nd Floor Beauties
Hindi lang naman mumu stories ang highlight ng pagtira ko dun. Siyempre yung paggawa ng mga bawal tulad ng pagpapasok ng lalake sa kwarto, JOKE, pagpasok ng alak at pag-inom sa loob.

Andami ko ring natutunan nung andito ako. At syempre pa, dito ko nakilala ang mga magiging superfriends. :D

Room 202 beauties, Tribute 2008

Popular Posts