Paalam Balagtas

[Balagtas]

Nitong nakaraang Sabado lang napagalitan na naman si Francis ng kanyang Nanay dahil ayaw kumain. Dinig na dinig ang sigaw ng babae kahit pa nasa laundry area ako, sa kabilang panig ng bahay. Ewan ko din kung bakit laging nakakatikim ng palo ang bata. Kapag nandirito siya sa amin, maayos naman siya. Parati kasi siyang inaaya ni Kean tuwing walang pasok at naglalaro sila sa dito sa bahay. Pagka inabutan sila ng tanghalian o meryenda sa paglalro, doon na rin kumakain si Francis. Minsan nga may mga take-out pa siyang kendi at tsokolate.

Parati ko siyang nakikitang tumutulong sa pag-iigib ng tubig at sumasama sa mga batang nagongolekta ng mga plastik na bote sa kapitbahayan at saka binebenta.

Hindi ko lang alam kung sadyang matigas ang ulo niya kapag nasa kanila siya o sadyang mainitin lamang ang ulo ng kanyang Nanay. Kaya siya dinidisiplina ng palo.

Akala ko paso na ang palo bilang paraan ng pagdidisiplina sa mga bata. Madalas akong mapalo nung bata ako. Ganun sa probinsya eh. Pero hindi naman ako nadidisiplina. Halos mamatay lang sa bugbog pero yung 'pagkakamaling' nagawa, magagawa at magagawa ko pa rin, kahit hindi sinasadya.

Akala ko hindi uso ang palo sa mga taga-siyudad. Pero napatunayan kong mali ako tuwing makikita kong hinahabol ng palo, ng tabo, dos por dos, lalagyan ng tubig, ng Nanay niya si Francis, sa loob ng bahay, palabas sa kalye, tuwing ayaw maligo, ayaw kumain o ayaw pumasok.

***

Pasado alas singko y media nang makarating ako sa Maynila mula sa apat na araw na bakasyon sa probinsya. Sana'y gising ang kasambahay dahil naiwan ko ang susi sa gate.

Malayo pa ako'y kitang-kita na ang tolda sa harap ng kapitbahay at maraming tao. Sa ordinaryong araw ay normal na yung maraming tao sa kantong iyon dahil may dalawang tindahan at doon din naka-park ang mga pedicab. Pero sa ganitong oras, hindi iyon karaniwan. Inumaga kaya sila sa birthday o inuman? Papalapit na ako sa bahay ng pinsan ko nang mapansin kong maraming ilaw. May lamay.

Bukas na ang ilaw sa kusina. Mabuti't gising na ang kasambahy ni Ate.

Pagkapasok sa bahay, dali-dali kong iniakyat ang mga gamit, lumabas ng veranda kung saan tanaw ang kanto at sumilip sa burol. Maliit ang kabaong.

Pumasok akong muli sa kwarto at kinuha mula sa bag ang mga dalang pasalubong at saka bumaba.

Sheng, sino yung nakaburol dun?

Si Francis, yung batang kalaro ni Kian. Nung Huwebes, nabundol diyan sa harap ng bahay nila. Mabilis daw kasi yung taxi, biglang sumulpot yung bata na tumatakbo.

Popular Posts