Ingay ng Madaling Araw

Malaki talaga ang problema ko sa pagtulog. Tulog-manok kasi ako, konting kaluskos, konting ingay, konting galaw, magigising ako, maliban na lang kung nakainom, lasing at pagod na pagod.

Kagabi ay ilang beses akong nagising. Madalas naman kasi akong nagigising nang hatinggabi o madaling-araw. Nababahala nga ako kasi may nabasa akong article tungkol sa maaring epekto ng hindi tuloy-tuloy na tulog sa pagkakaron ng sakit na Alzheimer's. Syempre, natakot ako, kasi dati pa'y nagkakaproblema na ako sa pagtulog. Hindi naman ako insomniac pero mababaw kasi ang tulog at madalas nagigising kaya madalas napupuyat.

Tulad na lang kaninang madaling-araw, nagising ako bandang alas tres y media dahil sa mga boses ingay ng mga kabataang nakatambay malapit o sa tapat mismo ng bahay. Tagos na tagos sa kahoy na dingding ang usapan nila. Gustong-gusto kong lumabas ng bahay at sawayin o palipatin sila ng pwesto pero di ata uso yung ganun dito sa Manila.

Tapos nagkaron ako ng stream of memories. Nung medyo bata pa ako, madalas din namin ginagawa to ng mga pinsan ko nun sa probinsya, lalo na pag walang pasok kinaumagahan. Tumatambay lang kami sa waiting shed, o gilid ng kalsada, nag-uusap. Pero naisip ko, hindi naman siguro ganun kalakas ang boses namin dahil wala akong maalala na sinaway kami- madalas ay pinauuwi lang ng mga magulang pag lumalalim na ang gabi.

Tapos naalala ko ang buhay ko sa Baguio. Siguro nga karma sakin to. Bumabalik lang yung mga pinaggagagawa ko dati. Ilang beses ko na atang naisulat dito sa mahilig akong magdala ng kainuman sa bahay nun, at madalas kaming nasasaway ng mga kapitbahay.

Dito sa Maynila, tuwing may party, may nagvi-videoke, nag-iinuman, kahit hanggang anong oras pa yan, walang maglalakas-loob magsabing hinaan naman ang tugtog whatsoever. O ako lang talaga ang hindi pa nasasanay.

Puyat na naman tuloy papasok ng trabaho.

Popular Posts