I'm Not Broke, I'm Poor

Alam mo ba kung saan ang office ng DOLE dito? Pabirong tanong ng officemate ko na binuntutan ng tawa ng iba pa naming kasamahan. Oo nga, ireklamo na yan! Sabi ng isa pa.

Lunes, tinanong ako ng TL kung nakuha ko na raw ba yung sahod ko. Dahil wala pa naman talaga, na ikinagulat ng iba pa naming kasamahan, kanya-kanya silang hirit sa kapalpakan ng admin na hindi maideposit on time ang sahod ng karamihan sa amin. Ba't daw hindi ko sinabi nung Friday? Bakit daw di ako nagsalita kaagad? Bakit hindi ako nagreklamo etcetera, etcetera.

Thursday pa kasi dapat ang sahod. Usually, umaga pa lang mayroon nang laman ang account ko. Dati-rati, di ko rin naman agad nilalabas yung pera dahil wala pa akong paggagamitan. Kaya nga nung Thursday, cool na cool lang akong nagtatrabaho habang ang karamihan sa mga kasamahan ko ay nagngingitngit na sa galit dahil sa pagkadelay ng inaasahan nilang sweldo. Ayaw na ngang magtrabaho ng iba eh.

Iniisip ko pa nun kung bakit na lang sila ganun kaapektado kung madedelay lang naman ng ilang oras ang sweldo dahil marahil ay nagkaproblema sa bangko o sa kumpanya. Pero habang pinakikinggan ko ang mga hinaing nila, naintindihan ko rin sila kahit paano.

Kung may umaasa nga naman sa'yo, kung may binubuhay kang pamilya, hindi nga naman maaaring sumala ang inaasahan mong pera. Marahil naghihintay na ang iyong kapatid sa pinakamalapit na ATM sa kanyang school dahil naipangako mong after lunch ngayong araw ka magbibigay ng pandagdag sa tuition niya. Maaaring naghihintay ang iyong ina sa probinsya ng ipapamalenge para sa kanilang hapunan. Kung ikaw naman ay dalaga o binata na hindi inoobliga ng magulang na magbigay ng porsyento ng sahod mo sa kanila, malaki pa rin ang problema mo lalo na kung naplano mo na kung ano ang gagawin mo sa sahod mo. Maaasar ka talaga lalo na kung di ka pa talaga marunong magtipid o magtabi kaya to the extent na wala ka ng pambili ng pagkain. At lalong maasar ka kung may napangakuan ka na ililibre mo ng ganito o ibibili ng ganyan pag nakuha ang sweldo . Pero ang lahat ng ito, di ko pa ramdam sa sarili ko nung Thursday. Meron pa kasi akong panggastos noon.

Ang totoo, nakabudget na rin ang sahod ko pero kung madedelay yung sahod ng ilang oras o isang araw, ayos lang, weekend naman talaga ako lumalabas. Hindi ko pa naman magagamit agad.

Nung bandang tanghali ay inannounce ng boss na may sweldo na raw yung kabilang department, (oh well, magagaling kasi sila) at ang department namin ay hatinggabi pa raw maidedeposit lahat. Maraming naasar, kumunot ang noo at nalungkot sa hindi magandang balita, pero ano bang magagawa namin. Eh sa nagkaproblema daw sa bangko.

Kinabukasan, Biyernes, di ko na naalala na icheck kung may sweldo na ba kahit pa maraming ATM na malapit sa opis at nakaenroll naman online yung account ko. Confident ako na meron na dahil ayon sa mga kasamahan ko ay natanggap na daw nila.

Maggagabi na nang pauwi ako at naisip na maglabas mula sa ATM dahil wala na ring panggatos. At nagulantang ako sa nakita ko. Nakailang subok din ako sa ATM. Baka nagkamali lang. O may napindot akong mali, checkings kaya sa halip na savings. Pero pare-pareho lang ang lumabas na resulta. Wala pa akong sahod.

Tinext ko agad ang officemate para tanungin kung kanino ko dapat sabihin  ang concern ko na agad naman sumagot na sabihin daw sa TL. Tinatamad talaga ako bumalik sa opisina pero sakto naman na may nakita akong kasamahan sa trabaho na nakuhanan ng numero ng TL namin. Ayon pa sa kanya, hindi pa daw talaga nabibigyan lahat. Na ikinagulat ko dahil di naman ako aware na ganun pala. Ang pagkakaalam ko kasi naideposit na lahat.  Matagal-tagal din akong hindi sinumpong ng tantrums at dun nga ulit. (tiNn, hindi na talaga ako mago-grow!)

Kasi naman, Friday night wala akong pera? Ibig sabihin nun, walang alkohol. Naawa ata sa akin yung officemate ko at nag offer ng cash pero may hiya pa rin naman ako kahit paano. Nagkunwari na lang akong babalik sa opisina dahil feeling ata niya magpapalahaw na ako ng iyak any moment.

Ang reply ng TL, sabi daw ng boss, hindi pa talaga nabibigyan lahat at mamaya-maya pa daw maidedeposit lahat. Eh di ganun na nga. Wala naman akong magagawa dun.

Habang pauwi ay masama pa rin ang loob dahil malapit nang bumaba sa poor level ang pera ko, according sa Philippines standard. Saka ko naisip na may hiniram pala sa aking ang landlady ko nung weekend. Bale pag nakuha ko yun, may panggastos pa rin pala ako. Akalain mo, nawala na sa isip ko yun. Tsk.

Nung gabi ay inaasahan ng aking dakilang partner sa inuman na may pera ako. Hinintay naman namin eh. Hanggang hatinggabi gising ako at nag-iinquire ng balance sa site ng lecheng bangko. Ang pathetic ko talaga. Pero walang dumating. Kaya siya tuloy ang napagastos nung gusto niyang mag-inom. At kahit nung sumunod na gabi. Haha! Bawi na lang daw ako pag mayaman na ako ulit. Hanggang kinaumagahan, wala pa rin. Taong-bahay tuloy ako dahil wala naman akong ibang mapupuntahan.

Tanghali na nung maisip kong lapitan ang landlady na laging wala sa bahay at kung andun ay palaging galit o nagsisisigaw kaya hindi makausap. (Dahilan kaya lilipat na naman ako ng tirahan.) Bago pa man ako makababa ay nalaman ko mula sa roommate ko na may utang rin pala ang landlady sa kanya. At mas malaking halaga. Kaya nga sabi niya sa akin babain ko na daw at singilin ang "makapal ang mukha" at "sinungaling na babae" na "hindi iniisip ang utang niya."

Kinausap ko naman siya at tulad na rin ng inaasahan namin ng roommate ko, "wrong timing" daw ako. Eto talaga yung mga bagay na nakakainis. Kapag meron ka, nagpapahiram ka naman pag sila ang nangangailangan, pag ikaw an ang nagigipit, pahirapan na. Ano ba, matuto ka nga kasi. Ang totoo, mas malaking halaga ang hinihiram sa aking ng bitch, buti na lang di talaga nagtatagal ang pera sa wallet ko kaya ang natira na lang  na higit isang libo ang naibigay ko dahil nadala naman daw ako sa drama niya na hindi makapag-withdraw habang hawak-hawak pa ang passbook ng isang bangko.

Anyway, nakiusap na lang ako na kung maaari ay maibalik na niya ang hiniram niya sa lalong madaling panahon dahil hindi pa ako sumweldo, na malamang ay hindi niya pinaniwalaan dahil di na siya nag-demand ng further explanation kung bakit.

Lunes. Umpisa na naman ng trabaho. If there is really a difference between broke and poor, hindi na lang ako broke, poor na talaga ako. Nawithdraw ko na ang maintaining balance ng isa ko pang account. Pero cool lang lang ako, kung hindi naideposit nung weekend dahil walang bangko, lunes ngayon, malamang maipapasok na yun. Tahimik lang ako hanggang sa dumating ang katabi ko at nabangggit ko sa kanya na wala akong pera dahil kakacheck ko lang ulit online. Sabi niya, kakasahod lang ah, wala ka ang pera. Wala pa yung sahod ko, nagulat siya sabay tanong na, sinabi mo na ba kay TL? Sabi ko naman, hindi pa, e-mail ko na lang si boss.

Maya-maya ay nagPM ang TL at nagulat din nung nalaman na wala pa akong sahod. E-mail daw niya si boss. Wag kang matakot magreklamo kahit bago ka lang dito. Wag mong isipin na dahil first job mo ito ay pwede ka nang ganyanin.

Oo nga. magreklamo ka. Ayun oh, awayin mo sila.

Bakit anong nangyari? Ha? Wala ka pang sweldo? Bat di mo sinabi agad?

Alam mo ba kung saan ang office ng DOLE dito?

Oo nga, ireklamo na yan!

Baka magresign ka na niyan ah.

Ilang beses din akong pinagcheck ng balance dahil maraming beses din akong sinabihan na meron na daw.

Nag-offer na rin ang mga kasamahan na pahiramin muna ako ng cash kung wala na daw akong panggastos. After lunch ay pinatawag ako ng boss at totoong kinabahan ako hindi lang sa biro ng mga kasama ko. Baka may violation ako kaya wala talaga akong sweldo at sisipain na ako. Pero hindi. Humihingi ng pasensya at sabihin ko lang daw kung kailangan ko ng pera at handa siyang magpahiram din.

Sabi na nga ba eh, managerial talaga yung posisyon mo!

Oo nga! Nagpapanggap ka lang na kasama namin!

Masaya na naman kami nung malaman namin na ako at ang mga manager namin ang wala pang sweldo. Bat ba ako napasama sa kanila kasi. Sila, malaki kinikita kaya okey lang na magkaproblema sa pagdedeposit, eh ako, kakarampot na nga lang, nagkakaproblema pa, wtf! Natatawa na lang ako nung hapon bago ako umuwi dahil nagPM ang boss na meron na daw pero nung chineck ko ay wala naman pala. Asar na asar an din siya pero wala naman magawa.

Martes. Ilang beses na naman akong sinabihan na meron na daw. Natatawa na lang ako. Wala nang epekto sa akin na makikita kong wala pa ring laman ang account ko sa maraming beses na pagchecheck. Pag-uwi ko nung hapon, hindi ko na inaasahan na meron. Maya-maya ay nagtext ang TL at sinabing meron na daw. Pumunta agad ako sa pinakamalapit na ATM at muli, nabigo. Inisip ko, gaguhan na to ah. Ayon sa TL, may approval sheet na daw at antayin ko na lang.

Miyerkules. Wala na talaga akong pera. Said na ang Metrobank ko. Dalawandaan na lang laman ng Exportbank ko, na gagamitin ko pang-lunch pag wala pa talaga. Pero magaan pa rin ang pakiramdam ko dahil feeling ko, totoo na to, meron na talaga. Think positive!

Pagkababa ng dyip ay dumaan muna sa ATM para sana magwithdraw.

Sa wakas.

*Bilib ako sa nakapagbasa hanggang dito. Pasensya na. Puro talaga ako reklamo. Pagbigyan niyo na, ito na lang outlet ko eh. Kagabi naka-draft lang ito. Hindi ko sana ito ibblog kung di ako pinupush ng mga pangyayari at dahil na rin sa constant na pangangantiyaw at biro ng mga kasamahan ko. Irish, magreresign ka na? Magreresign ka na Irish? Wala ka pang sahod, magreresign ka na? Ayan oh, tinatype niya na yung resignation. Hindi ibblog niya na wala pa yung sweldo niya. Nakablog na nga daw yun eh kahapon pa.

Popular Posts