Para Akong Hayop sa Disyerto

Naisip ko lang, para pala akong hayop sa disyerto. Pasado alas onse na'y kumakain (ulit) ng hapunan. Kumain na kanina ng yogurt pero naghahanap pa ng mangunguya eh. Legit ang pagkain sa kwarto ngayon, dahil baha na ang first floor.

Pumasok ang tubig baha sa first floor ng bahay bandang alas singko ng hapon, nung bumaba ako para kumain. Kaya pala maingay sa baba bago nun, inaangat na pala nila yung mga appliances at furnitures. Hanggang sakong ang tubig baha sa garahe, pero yung kalsada wala pa, mas mataas kasi ng kaunti. Mas marami na ring tubig sa may laundry area. Nananahimik ako sa taas, kampante na hindi mababaha ang bahay, yun pala, papasukin na rin. Bababa yan, sabi ko. Basta hindi na umulan. Kaso maya-maya lang, bumuhos na naman ang malakas na ulan.

Sabi sa barangay, papatayin na daw ang ilaw maya-maya pag tumaas pa ang baha. Nagsaing ako kahit pa hindi naman ako gutom at tinapay na lang sana ang kakainin. Maya-maya pa'y nagsimulang pumasok ang tubig sa kusina, may mababang parte kasi. Naglabasan ang mga ipis. Hindi ako nag-enjoy sa pagtapak, na normally naeenjoy ko dahil may kasamang suspense at chase. Ngayon kasi, nakakadiri na lang makita silang lumulutang sa baha. Kadiring tubig baha + ipis = double kadiri.

Bumalik ako sa kwarto. Tumambay ng ilang minuto. Bumabang muli. Pumasok na ang tubig sa sala, kahit pa tinakpan ng sako-sakong semento yung main door. Dahil feeling ko nakakasagabal lang ako sa mga nag-aayos ng gamit, bumalik muli sa kwarto. Maya-maya'y naidlip. (Gusto ko lang isama ang pagtulog part dahil paggising ko ang una kong nakita yung mukha ng crush ko na pamangkin ng landlady ko, oha. Hindi kasi nakasara yung pintuan at andun siya sa may hagdanan kausap ang Tita niya.)

After a while, bumaba din ako. Hanggang sakong na ang baha sa buong first floor. Pumunta sa kusina at gumawa ng sandwich. Kinuha ang isang malaking cup ng yogurt sa ref. Naglagay ng tubig sa plastic bottle. Naglagay ng kanin at ulam sa baunan. Presto! Magpi-picnic na lang sa kwarto.

Heto na yung naisip kong para akong hayop sa disyerto, hindi naman masyadong gutom pero kumakain, ng rice at ulam, para may reserve pag tag-hirap na. Dahil bukas, baka tumaas pa lalo ang baha, ayoko na naman bumaba nun. (Mali ang logic na 'to pramis. Kasi dapat nga nagse-save ako ng food dahil di ko alam kung titigil na ba ang ulan at mawawala na ang baha bukas.)

Gusto ko lang kumain dahil hindi ako makatulog at para hindi ako gutom pagkagising ko bukas. Yun talaga ang dahilan ng katakawan na 'to. Sana tumigil na ang ulan.
(Wala pa rin akong pasok bukas so okay lang kahit umagahin ako kakainternet. Ito na lang ginawa ko nitong nakaraang dalawang araw at kung may ilaw pa rin bukas, ito pa rin ang gagawin ko.)

Popular Posts