Ang Magbabalut sa Ilalim ng LRT

ni Gene Lacza Pilapil

Mayroon akong dating suki ng balut
sa intersekyon ng Blumentritt at Abenida
sa tabi ng haligi ng higanteng LRT.
Nakasalamin, yakap ang isang abong dyaket at kalong
ng isang di-tiklop na bangkinito. Tahimik
na nakikipagkwentuhan sa madungis na lansagang
binastos
ng ingay ng mababangis at walang modong mga dyip, paa
at paninda. Nakakalumbaba.
Tila bang may hinihintay.
Malugod niya akong pinagbibilhan. Pinipili pa nga niya
ako ng pinakamaganda (ang sabi niya kasi
ang lahat ng kanyang balut ay magaganda).
Isang beses binanggit niya sa akin, "Alam mo
kamukhang-kamukha mo si Emoy ko, pati ngiti, kuhang-kuha."
Ngunit minsan may dalawang linggo siyang nawala.
Naitanong
ko tuloy sa binilhan kong katabi niyang magbabalut rin
kung ano na ang nangyari. Sagot ng sunog na babaeng
kanina pa dura ng dura: "Nauspetal. Napolmonya.
Malobha
na daw. Nngorrk...pwe." Humimlay ang plema sa
kawawang
kalsada. Nagsindi ng Champion sabay buga. "May
katuk kasi yang matanda. Lageng henahateng gabe
sa pagtenda. Henehentay ang bonsu. Baka daw bomaba
sa me
kantu, teyak pasasalobongan daw seya ng panset at
halek. Esang istodyanti sa onebirsete. Yong tarantadu
nagrale-rale hayon," Sabay muwestro ng kamay pataas,
"Penadamput ni Makuy. Hendi pa naketa tatlong taun
na."
Sandali siyang tumigil.
Hinubaran ako ng mabuti saka pabulong nagtanong:
"Nasalbids na yun anu?"
Biglang nanlamig ang mainit na balut na hawak ko.
Bugok siguro ang sisiw nito.

Popular Posts