Lost...Again...Naturally

Malaki ang problema mo kapag madalas kang lumalampas sa bababaan mo. Ako, oo.

Isa akong malaking 'LOST' lately. Sabi ng isang kaibigan, "Beautiful girl, wherever you are" na sinagot ko ng, "You are so right, I am so lost." Di na raw ako mahagilap. Gusto ko sanang isagot, oo nga eh, parang di na nga rin ata kita kilala. Pakiramdam ko kasi malaki na ang ipinagbago niya, sa magandang aspeto. Hindi tulad ko, stuck, kung san man ako nung huli kaming nagkita, andun pa rin ako ngayon. Ang drama ko. Di bale, bihira lang to.

Di ko rin alam kung bakit. Quarter life crisis sabi ng mga tao. Pero hindi ako kumbinsido. Feeling ko naimbento lang ang konsepto na yan ng mga taong ayaw sisihin ang sarili nila sa nagaganap o kawalan ng (magandang) kaganapan sa buhay nila. Nasa sarili mo lang yan, hindi dahil nasa mid 20s ka na. Nangyayari yan sa kahit sino, sa kahit anong edad. O baka naman madrama lang din ako bilang teenager. Hindi rin.

Halos parati akong galit sa mundo. San ba galing tong mga hang-ups ko sa buhay. Parang di na mawala-wala. Kelan ba ako nagsimulang magalit sa mundo. High school? College? Adult na ako ngayon pero di ko pa rin mahanap ang katahimikan ng buhay. Madalas pinagpapasalamat kong wala akong suicidal tendencies (so far). Kahit anong tinding lungkot ang tumatama sa kin, ni minsan di ko naiisip na patayin na lang ang sarili ko o anuman. Bakit? Dahil hindi ako makasarili.

Ganito kasi yun, hindi ako kuntento sa sitwasyon ko ngayon. Marami akong ibang gustong gawin pero parang ang layo-layo na nila sakin. Mataas akong mangarap noon. Bago pa naman ako mapunta sa isang sitwasyon, iniisip ko na kung anong magaganap/gagawin ko once na andun ako sa sitwasyong yun. Bumubuo ako ng plot. Malupit ang imagination ko. Pero ang kagandahan nun, karamihan sa mga iniimagine ko lang nun, nagkakatotoo.

Mataas pa rin naman ako mangarap ngayon. Malupit pa rin ang imagination ko. Yun nga lang, di ko na nakukuha yung mga pinapangarap ko. Hindi na naisasabuhay yung mga dialogue sa nabuo sa isip ko.

Parang ang layo ko na sa dapat kong maging katotohanan, sa katotohanan na meron ako ngayon.

Masyado akong nega?

Minsan iniisip ko kung ang kapalaran ko nadadala rin ng pagiging pessimistic ko. Kapag daw kasi positive ka sa mga bagay-bagay, positive energy din ang ma-a-attract mo. So kung iisipin kong mananalo ako sa lotto, mas may chance na manalo ako. Pero ang nagaganap sa isip ko, .0000001% lang ang tsansa kong manalo dyan, sayang ang bente. Gamitin ko na lang sa ibang bagay.

Parang defense mechanism ko na ata yan. Ang sa akin lang naman, ang hindsight ko sa mas realistic. Masyadong nabubuhay sa fantasy ang imagination ko, kaya siguro ang lumalabas naman sa bibig ko, yung mga mas realistic na bagay, yung mga mas madalas, mas malaking chance na mangyari. Parang di ko na bibibigyan ng tsansa na isalba ng pag-asa ang sitwasyon. Inuunahan ko na, ito ang mangyayari (insert negative comment), dahil malamang yan talaga. Ang kaisipang ito siguro ay dulot ng collective experience ko sa buhay. Masyadong madrama ang buhay ko, pero wala pakong time na isiwalat dito ang kwento ko. Well, sana mahanapan ko ng oras, siguro yun ang ikagagaan ng buhay ko. Kelangan ko lang sigurong isulat, ilabas tong mga hang ups ko sa buhay, dala-dala ko pa mula pagkabata.

Pero pano naman, sabi ko nga, imagination ko na lang ang natitirang creative sakin, sa panaginip na lang ako nakakaimbento ng out of this world na kwento.Ninakaw na lahat, anong salarin? Internet. Accomplice ang trabaho ko ngayon.

Ni hindi na nga ako makapagsulat kahit tatlong linyang tula. Kapag meron akong istorya, ni hindi ko alam kung pano sisimulan. Minsan masisimulan nga, pero hangang dun na lang, wala nang mailaman, walang katapusan.

Ang laki ng problema ko sa buhay. Baka madaan ito sa pabiyahe-biyahe. Old school soul searching- bakasyon, bakasyon mula sa trabaho, ibang lugar, ibang paligid, pakikisalamuha sa ibang taong di mo talaga kilala. Sana lang marami akong pera. Pero dahil wala akong pera, naghahanap ako ng sarili sa lugar kung nasaan ako. Daananin na lang yan sa paniniwalang magkakahanapan din nang di na lumalayo.

Kaya ayoko munang naglalalabas. Lately, gusto ko lang munang mapag-isa. Malayo sa lahat, mag-emo, mag-drama. Nakakapagod din kaya maging masaya.  Lalo na kung madalas masaya ka lang para di na magtanong ang mga tao kung anong problema mo.

Ang laki ng problema ko sa buhay. Ayoko sa sitwasyong kinalalagyan ko pero hindi rin ako kumikilos. Gusto kong may mangyari pero wala akong ginagawa. Sumusubok pero wala pa rin. Tumitigil. Natatakot na baka kahit ang unsatisying na meron ako ngayon ay mawala pa. Ang laki talaga ng problema ko. Syet, ang emo ko kulang na lang maglaslas ako.

See, hindi talaga magkakaron ng kaayusan ang buhay ko, sabi ko lang lost ako pero kung ano-anong sinabi ko.

Popular Posts