First Communion

Usapan sa pantry kanina, from UN Month Celebrations ng mga school, to Field Demo/sayaw na pinerform nung elementary, to Fiesta, to Saints, tas napunta sa First Communion. May kwento tayo tungkol dyan. Isang malaking parte ng kabataan ko yang First Communion na yan. Seryoso.

Ganito kasi yun, nasa Grade 3 ata ako nung gaganapin dapat ang First Communion ng batch namin. One week before nito, tumanggap na ako. Kagagawan ng mga pinsan kong madalas kong kasama magsimba, mga mas matatanda sakin kaya tapos na sila sa moment na yun. (Medyo) pinilit nila ako na mag-communion na kasabay nila, okay lang daw yun kahit di pa ako nagfi-first communion. Eh madali akong ma-sway.

Yung Sunday na "First Communion" ko dapat, nagkasakit ako. Hindi ako naka-attend.

Simula nun, dala-dala ko na lagi yung thought na nanira ako ng tradisyon, feeling ko kasi napaka-sagradong bagay ng First Communion at binalewala ko lang. Parang binaboy ko ba. Mula nun, hindi na ako tumatanggap ng 'katawan ni Kristo' tuwing nagsisimba. Ganyan ako ka-freak. Di ko rin ma-gets kung bakit dahil before yung una kong communion ay nangumpisal naman ako, which is the requirement, so dapat di ako masyadong guilty kasi ang na-miss ko na lang sa process ay yung kung anong gagawin sa araw mismo ng ceremony.

Elementary ako nun, hanggang high school dala ko pa rin yun. Mabibilang lang talaga nun ang mga pagkakataon na nagpupunta ako sa Holy Communion. 

Fourth year high school na ata ako nung pinilit ko nang isantabi ang guilt tuwing communtion part na ng misa. Kasi'y sabi ng pinsan ko (na active YFC) na hindi mo raw talaga nakukumpleto ang misa kapag hindi ka nag-communion. Eh, dahil dun, sinimulan kong  pilitin ang sarili kong pumila kapag communion. Yung mga unang beses, hindi talaga ako komportable, para bang gumagawa ako ng malaking kasalanan. Pero iniisip ko na lang para 'makumpleto' ko ang process ng pagpunta sa misa, na yun ang essence ng pag-attend ng misa, bukod sa sermon, yung pagtanggap mo sa Diyos sa puso mo, ganyang drama. (Although weird lang talaga ang execution (communion). Sorry ganyan pa rin ang mentality ko hanggang ngayon.)

Hanggang sa masanay na ako na kelangan ko talagang mag-communion everytime na pumupunta sa misa. Kahit pa gaano kahaba ang pila, kahit pa minsan naghe-hesitate ako, lalo na pag dun sa bayan namin, tuwing bakasyon at umuuwi ako, habang naglalakad kasi sa isle, yun naman yung chance ng mga tao na tingnan ka, i-judge ka. Alam ko dahil gawain namin yan ng mga kaibigan/pinsan ko nung bata pa kami. At hindi ata maiiwasan ang bagay na yan sa kahit anong society, at kahit pa nasa simbahan.

Ngayon, pag naiisip ko 'tong kabaliwan kong 'to, natatawa na lang ako. Una kasi, BI talaga ang mga pinsan ko (nabarkada kasi ako sa mga hindi ko ka-batch, kung ano-anong natutunan ko sa mga yan); pangalawa, gullible na talaga ako kahit nun pa, at nahirapan nang tumanggi kahit noon pa; pangatlo, competitive na talaga ako bilang bata, pano nga ba nila ako napilit na mag-communion, dahil itinanim nila sa isip ko na mauuna ako sa lahat ng batchmates ko, kumbaga eh, bragging rights yun (hindi nga lang ganun ang naging consequence); pang-apat, hinayaan kong maapektuhan ang ilang taon ng buhay ko ng isang insidenteng yun.

Pero to be fair naman, hands down ako sa dedication ko sa Katolisimo nun.

Popular Posts