Nakakabaliw

Muntik na akong mabaliw nung isang araw.

Inaya ako ng mga kaibigan na manood ng sine pagkagaling sa trabaho. Wala akong balak sumama dahil gusto ko na lang umuwi at humilata sa kama dahil inaantok ako sa opisina pa lang. At gitna pa lang ng linggo, ayokong mapuyat sana. Pero may suhol, may Chona's delight galing Baguio. Nakonsensya naman ako, kasi hindi naman ako humingi ng pasalubong pero naalala niya akong bilhan. At isa pa, sa Greenbelt ang tagpuan, bale sila na lang yung pumunta kung saan ako pinakamalapit.

Naglalakad pa lang ako papuntang Greenbelt nang bumuhos ang malakas na ulan. Pagdating sa mall, di na namin naabutan yung 9pm screening, mag-aantay pa kami ng dalawang oras para dun sa gusto naming panoorin, (Dark Knight Rises). Sabi ko'y di na ako sasama pag ganun, kasi masyadong late, sasamahan ko na lang silang mag-antay.

Pumunta sa pinakamalapit na pwedeng tambayan --isang milk tea shop. Umorder ng inumin. Di namin makain yung cake dahil walang kutsara sa shop. Habang nakatambay, bumuhos muli ang malakas na ulan at nagsimula akong kabahan, ayokong ma-stranded sa Makati. Kinailangan naming lumipat sa isang coffee shop para mag-CR. At dun tumambay ulit nang ilang oras. Nag-decide yung mga kasama ko na hindi na manonood ng sine.

Alas dos na ako nakauwi ng bahay. Nung nasa coffee shop, masama na ang pakiramdam ko. Parang gustong lumabas nung milk tea sa sistema ko. Nung nasa coffee shop, hindi na ako uminom o kumain ng kahit ano, feeling ko masusuka lang ako. Hindi na kasi sanay ang katawan ko sa caffeine, umiinom ako ng kape at tsaa pero pag Friday at Saturday lang, kasi okay lang kahit magdamag akong gising. 

Mahigit isang oras akong pabiling-biling lang sa kama, hindi makatulog, at nasusuka. Nag-twi-twitch yung mga pilimata ko at nanginginig ang mga daliri sa kamay. Painom-inom ako ng tubig para ma-dilute yung caffeine. Nagulat na lang din ako nang bigla na lang akong naiyak. Walang dahilan, wala akong ka-dramahang iniisip dahil gusto ko na lang talagang matulog. Natakot tuloy akong pumikit dahil baka paggising ko wala na ako sa sarili.

Popular Posts