Balsigan

November 6, 2006. Lumipat na ako ulit ng bahay, harhar. Lipat-bahay gang talaga ako, wish ko lang last na 'to. Sana, nakakalungkot talaga... sobrang dami kong probelma. Gusto ko nang matulog.
Galing yan sa journal ko. Uso na pala ang 'harhar' noon. Namomroblema siguro ako nito sa acads. Baka may kwatro o INC ako. Ang paglilipat ng bahaya na ito ay sa Balsigan. 

Napunta ko sa Balsigan tru Dona. Ito ang paborito ko sa lahat ng bahay na natirhan ko sa Baguio, next sa Kukilandia. Ang aming unit ay nasa second floor ng 3-floor apartment na kulay mint green. Makikita agad ang bahay sa unang liko pababa sa kanto ng Balsigan mula sa Marcos Highway. 

Maliit lang yung unit, pero nakahiwalay ang kwarto sa sala/dining area. Maayos at maganda ang loob na gawa sa pine wood kaya cozy. Double-deck, cable TV, ref, heater, stove at sariling CR. Kung iisipin ko ngayon, gusto ko ulit yung unit na yun kung titira man ako ulit sa Baguio.

Dramatic ang paglilipat ko ng mga gamit. Kahit wala sa journal, kaya kong i-narrate ang mga pangyayari mula sa paghihintay ng taxi sa Engineer's Hill hanggang sa pagbababa namin ng taxi driver ng mga gamit mula sa taxi.

Nahirapan akong magpaalam sa landlord na aalis na lilipat na ako dahil di man lang ako nagpasabi ng mas maaga para sana nakapaghanap na siya ng ibang titira sa bahay. Kakabalik ko lang ng Baguio nun. Ilang oras akong nakatambay sa sala ng boarding house, palakad-lakad papunta sa pintuan pero maduduwag at babalik din sa loob. Nung nagpapaalam na ako sa landlord, sinabi niya sa akin na alam niya na raw na may problema ako kasi nakikita pala niya CCTV. Oo, may CCTV sa gate para sa safety din ng boarders na puro mga babae.

Pinayagan akong umalis ng landlord. Ganun lang pala kadali. Sabihin lang. Siguro kasi wala naman akong utang sa kanya. Hapon ko binalak maglipat ng gamit. Ako lang. Yung mga kaibigan ko kasi sa Breha may gagawin nang hapon na yun at ayoko na lang mang-istorbo tutal isasakay ko naman sa taxi. At ilang beses na kong lumipat ng bahay, dala-dala ang karton-karton na gamit. Every year dumarami ang mga gamit, na kung tutuusin karamihan ay basura lang naman.

Dahil paloob yung boarding house, bihira lang ang taxi na dumadaan. Nagsisimula nang dumilim nang makakuha ako ng taxi. Umaambon na rin nun. Lahat ng karton at bag binuhat ko galing sa bahay papuntang taxi (mga ilang metro din yun). Tinulungan naman ako ng driver nung marealize niya na hindi lang isa o dalawa ang dala-dala ko. At naging ulan na yung ambon.

Nung nasa bandang BGH na kami, babi ni Kuya driver sa'kin, bakit di ka nagpasama sa boyfriend mo? Ngumiti lang ako, sabay tingin sa bintana. Umeemo, dahil na-realize ko, sa mga panahong yun, bakit nga ba walang pumunta para tulungan ako.

"Wala ka bang mga kasama?" Tanong ulit ng driver. "Wala po, eh." "Sa susunod isama mo na ang boyfriend mo para hindi ka mahirapan. Umuulan pa, oh." Hay manong, kung meron lang, why not.

Di pa rin tumigil ang ulan pagkarating namin sa Balsigan. Tinulungan na rin ako ng driver na mag-akyat ng mga gamit kahit pwede naman sanang ibaba na lang niya sa labas ng gate. Di ko na maalala pero sana binigyan ko siya ng malaki-laking tip.

Nagsulat. Yang ang una kong ginawa pagkapasok sa apartment. Umuulan, mag-isa ako at medyo emo, perfect. Wala pa si Dona sa Baguio nun.

Pero kahit ganito ang unang gabi ko sa Balsigan, ang buong semestreng pamamalagi ko doon ay puno ng masasayang alaala.

Minsan, nagdadala ako ng mga kaibigan dun para mag-inom. Dun namin tinuruan si Sen na uminom, dahil allergic pa siya sa alak nun.

Isa sa mga pinakanakakatawang nangyari dito ay nung matatapos na ako finally, sa proseso ng pagiging aplikante sa soro. May naiwan akong mapa, intended para sa isa pang aplikante na pinadaan ko sa bahay para kumuha ng mga gamit. Nakita ni Dona yung mapa, katabi ng mga betadine at ammonia. Buong araw daw siyang di matahimik dahil iniisip niya kung sign ba yun na kelangan niya akong puntahan. Nakalagay sa mapa kung pano pupunta sa lugar na paggaganapan ng finals.

Dahil may sarili na kaming ref, madalas kami nun mag-stock ng alak. Dito ako natutong mag-inom mag-isa.

Sa bahay na yun din ako natutong magbukas ng double lock. May mga araw nun na umuuwi ako galing school at andun si Dona pero tulog pa. Di niya naririnig ang tawag at katok ko, so one time, sinubukan kong tanggaling yung double lock gamit ang suklay. Hanggang sa na-master ko na ang art ng pagbubukas kahit tulog si Dona. Sabi nga namin, hindi palasafe kahit may double lock yung pinto. Pero never naman kaming nanakawan kahit pa accessible ang unit sa pamamagitan ng bintana sa sala/kitchen.

May mga pagkakataon na naiiwan namin ni Dona pareho yung susi sa loob ng apartment. One time pinaakyat ko siya sa bubong ng first floor para makapasok sa bintana namin na laging bukas. Ito ang isa pang maganda sa Balsigan, pag malaki ang buwan, pwede kaming tumambay sa bubungan ng first floor.

Yung nasa first floor namin ay artists (tambay, hehe) na iniimbita kami lagi na bumili ng mga binebenta nilang crafts (kwintas at bracelets). Yung mga nasa taas naman namin, never namin na-figure out kung anong ginagawa sa buhay, dahil may isang araw sa linggo na maingay sila, parang party.

Nung second sem, gusto nang i-give up ng may-ari ang apartment (nanay ng blockmate namin), so ang mangyayari, kami na lang ni Dona ang maghahati sa buong bayad. Namahalan ako, kaya nagdesisyon kaming maghanap ng lilipatan.

Popular Posts