Caffeine

Salamat sa iced latte, hindi ako makatulog.

Sabi na nga dapat kasi nagjuice lang ako eh. Iba na talaga ng epekto sakin ng inumin na may caffeine, mapakape man o iced tea. Hindi tulad dati na kahit lumaklak ako ng kape ay matutulugan ko pa rin ang pagrereview, pati na exam.
Humahapdi na ang mga mata ko habang nanunood ng PBB kaya di man tapos ang palabas ay pumanhik na ako para matulog. Matapos ang isang oras na pagmumuni-muni habang pabiling-biling sa higaan, pagkatapos makinig sa secret language ng mga pusang nagliligawan sa baba, bigo akong makuha ang antok. Bumangon at naisipang magsulat. Isa ito sa epektib na pampatulog ko. Nung feeling ko pagod na ang mata, pinatay ang ilaw at muling humiga. Iba’t ibang posisyon. Nilakasan/pinatay ang bentilador. Binuksan/sinara ang blinds. Nagtalukbong/tinanggala ng kumot. Nakinig sa radyo. Mailap pa rin ang antok. Kumalam ang sikmura.

Oo nga pala, bukod sa kape at tuna pasta, wala na akong kinain for dinner. Pero ayoko nang kumain kasi matutulog na nga ako, nakakalaki ng tiyan. Pero makalipas ang ilan pang minuto, bumaba. Nadatnan ang isang itim na pusa sa sala. Aba at dinala pala ng pusa namin sa loob ng bahay ang boyfriend nito! Matapos palabasin ang bisita. Nagtungo sa kusina at nagbukas ng de latang may sarap ng corned beef at sustansya ng tuna. Naku, hot and spicy pala to, baka lalo akong magsising. Okay lang, madalas effective naman na pampatulog ang carbo-loading. Buti may tira pang kanin.

Nanood habang kumakain. Habang kinukulit ng pusa. Solb.

Pumanhik. At muli, sinubukang matulog.

Popular Posts