A Guide to Sayawan sa Barrio

Salamat sa ulan, nagkaroon kami ng crash course/instant discussion tungkol sa sayawan sa barrio. Dalawa kaming taga-Cagayan sa opisina at kinwentuhan namin yung isa naming kaopisina kung paano ang sayawan sa aming probinsya na madalas ginaganap kapag may ikakasal at pag nagdiriwang ng fiesta ang isang barangay o bayan. Ang sayawan ay pabayle sa Ibanag at pasala naman sa Ilokano. Dahil Ibanag ako, gagamitin ko ang Ibanag dialect sa terminologies.

Sa aming probinsya, mahigit isang araw ginaganap ang kasal o boda. Sa bisperas ng kasal, merong magaganap na pabayle, depende kung saan napagkasunduang ikasal ng magnobyo (oo, ginagamit pa rin ito sa amin). Ideally, sa lugar ng lalake pero kung may mas malaki ang space sa lugar ng babae, doon ginaganap. Sa bakanteng lote, magtatayo ngayon ng makeshift tent na spacious, gamit ang mga kawayan bilang poste at tolda bilang bubong tapos nilalagyan ng decorations damit ang dahon ng niyog at mga lobo, crepe paper etc. Dito gaganapin ang pabayle at reception. Pala-pala ang tawag dito. Kapag sayawan sa fiesta naman, madalas sa covered court ito ginaganap.

Ang pabayle ay hosted ng mga ikakasal at pamilya nila na a-attend-an naman ng kanilang mga kamag-anak nila, kaibigan, kapitbahay, ka-barangay, etc. (kapag malapit ang eleksyon, puntahan din ng politicians ang event na 'to) dahil sa probinsya everyone is automatically invited kapag may kasal. Kahit pa sa kainan ka lang magpakita, hindi magdaramdam sa'yo ang mga ikakasal.

Bago pa dumating ang araw ng boda, nag-iimbita ang bawat partido ng ikakasal ng mga kadalagahan para sa sayawan. House to house ito, ipagpapaalam sa magulang. Kung galing sa ibang bayan ang isa sa mga ikakasal, nagdadala ang dayo na partido ng mga tao para sa sayawan. Kung lalake ang dayo, madalas mga kalalakihan din ang karamihan sa mga isasama niya. Kapag babae, sagot niya naman ang mga kababaihan.

Ang pagsali sa pabayle at voluntary. Walang bayad. Bilang host, make sure lang na hindi magugutom yung mga dalaga, at may maayos na matutuluyan (kung overnight). Kapag fiesta event, ang kapitan mismo o ang ibang opisyal ng barangay ang nag-iimbita sa mga kadalagahan para sa sayawan. Kapag kulang sa kadalagahan ang isang barangay/bayan, dumadayo pa ang mga opisyal sa ibang bayan para mag-imbita ng mga sasali sa sayawan. Pagkatapos ng sayawan, ihahatid nila ang mga dalaga pauwi sa kani-kanilang bahay.

Sa pabayle, umuupa ng sound system na maririnig halos sa buong barangay, minsan hanggang sa kabilang barangay pa (dahil madalas bukirin lang ang naghihiwalay sa mga barangay kaya madali lang mag-travel ang sound). Sa mga barangay fiesta naman, minsan nagha-hire ng banda o "combo". Pero mas madalas gamitin ang sound system na lang dahil mas flexible. Sa ngayon, lumevel up na rin ang sound system set na pinaparenta, meron nang strobe/laser lights na kasama. Madalas tinatawag na "maestro" yung in charge sa music.

Sa boda may host/speaker syempre. Madalas ito yung mga ma-boka na tao sa barangay. Voluntary din ito. Kabutihang-loob para sa ikakasal. Kapag fiesta, maaring may bayad ang kinukuhang host.

Request ang tawag sa bawat piyesa na papatugtugin. May bayad ito. Pwede itong request ng isang tao lamang at nagbigay siya ng mismong halaga (halimbawa P500) na sasayawin ng lahat. Pwede ring request ng isang grupo, at kapag hindi sila nag-specify ng halaga, yung host na ang magde-decide. "Damage of P100 (or more) each." Bawat sasayaw na lalake ay magbibigay ng P100 sa kahera (taga-kolekta ng request) pagkatapos ng sayaw. Pwede ring later, pero asahan mong di ka makakatakas dahil nakalista yun. Kaya be honest na lang. Yung lalake talaga ang magbabayad unless babae yung nagrequest para sayawin ng isang grupo, then siya (babae) yung magbabayad ng "damage." Subtle lang pero minsan, nagiging way ito para magpasikat ang bawat partido sa kung sino ang mas galante. ;)

Kapag nagre-request pwede mo ring i-specify kung anong music ang papatugtugin.


Sweet - Hotel California ang pinakamadalas i-request/pinapatugtog sa genre na ito. Mga binata ang madalas mag-request ng sweet. Ito kasi yung chance nila na makipag-usap/makilala yung gusto nilang isayaw na dalaga dahil di masyadong maingay yung kanta. Minsan, tinatawag din itong 'slow' music. Kapet-kapet ang tawag sa sayaw pag sweet.

Rock - Sa probinsya, hindi ito yung rock na Aerosmith o Guns 'N Roses. Ibig sabihin ng rock ay medyo mabilis, yung lively. Dance music talaga ito pero not necessarily Lady Gaga ganyan. Kahit ano lang talaga na groovy/pwedeng sayawin. Sa huling kasal na napuntahan ko, napansin kong madalas i-request ang "Parapapapapa" na nabibilang sa category na ito.



Balse - Ang balse ay waltz. Ito ang tinutugtog kapag gustong sumayaw ng mga mag-abalayan (balae). Sa piyesang ito rin madalas makakita ng mga pares na parehong babae i.e. magbalae, magkapitbahay, magkaibigan. "Isem" ang popular choice sa genre na ito.


Dayang Dayang - Dayang-dayang deserves a genre on its own. Ito ang nire-request nila Inang (nanay) at Auntie kapag gusto nila ng dance music.


Hip-Hop - Lately, naidagdag ang genre na hip-hop sa mga sayawan sa barrio. Madalas nire-request ng mga kabataan/binatilyo na gustong magpakita ng Teach Me How to Dougie moves nila at grupo sila kung magsayaw sa dance floor. Pero may mga pagkakataon din naman na mga binata ang nag-request at kumukuha pa rin sila ng kaparehang dalaga para sumayaw.


Social Dance - Hindi talaga ito tinatawag na social dance sa mga pabayle dahil specific ang nire-request ng mga tao. Either Cha-cha, Swing o Tango. Mas madalas ito sa mga sayawan na hindi sa kasal. At pag sa kasal naman, madalas itong nire-request after na ng reception at hindi sa bisperas.


Ang kagadalagahan, magkakatabi yang nakaupo sa mga silya sa gilid ng dance floor, kapag maraming dalaga, nakapalibot yung mga upuan sa 3/4 ng tent, in single file. Hindi ito magugustuhan ng feminista pero ganun talaga ang kalakaran sa sayawan, parang nakadisplay ang mga babae na pagpipilian ng mga lalake para isayaw. Bale, isang stage din ito ng ligawan, minsan. Pero hindi lang exclusively mga dalaga ang pwedeng isayaw ah, pwede mo rin ayain sa dance floor is Auntie mo na nakaupo sa tabi ng kahera, o nakatayo somewhere.

Sa bawat sayawan halos hindi maupo ang mga pinakamagandang dalaga (syempre). Salamat sa pagkauso ng cellphone, meron nang panlaban sa awkwardness yung mga madalas maiwan sa upuan. Yung mga dalaga, hindi yan pwedeng pumili ng kasayaw nila, mapa-bata man o matanda, nakainom maniit Sa kahit anong genre, kelangan nilang tumayo kapag isinayaw sila. Hangga't di pa tumitigil yung kasayaw niya, kelangan sumayaw lang din siya o kahit anong galaw-galaw basta andun lang sa dance floor. Yung lalake ang magde-decide kapag tapos na. Ihahatid niya yung dalaga sa upuan.

Tungkol sa damit na isinusuot nga mga dalaga. Simple lang, jeans at blouse at sandals o sapatos. (Ang bonggang dress ay sa prom.) Sa mga kalalakihan, pantalon din at ideally, naka-sapatos. Although may mga naka-shorts din at tsinelas minsan, pero importante kasi ang mga ganitong okasyon kaya lahat naman halos ay nag-e-effort para magmukhang maayos. Usually, yung bride at groom ang talagang naka-porma. Gabi nila yun eh. At sa boda, pwede rin palang isayaw ang bride ng kahit sinong gusto at pwede ring magsayaw ang groom ng kahit sinong gusto nito. Ang kaibahan lang nila, hindi sila maglalabas ng pera para sa request. Yung ibang tao ang magre-request para sumayaw sila.

At the end of the night, lahat ng perang nakalap ay kukunin sa kahera (taga-hawak ng pera galing sa requests) at ibibigay sa mga ikakasal. Pandagdag yun sa pagsisimula nila ng bagong buhay. Inaabot ito sa kanila mismo nga mga magulang nila.

Usually, umaabot ng madaling-araw yung sayawan. Depende kung gaano karami ang pera ng mga tao. Maraming pera = maraming request. Sa Cagayan, maraming nagpapakasal tuwing summer kasi anihan ng palay yun, so maraming pera ang mga tao. Pagdating ng umaga, papatugtugin ulit yung sound system, panggising sa mga tao at para i-set ang mood.

Sa araw ng kasal mismo, pupunta naman ngayon ang mga tao sa simbahan kahit puyat pa yang mga yan. Hindi na lahat pupunta, kasi yung iba, later na lang sa reception.

Kapag dayo yung isang partido, yung mga jeep o trak na sinasakyan nila bilang bisita, nilalagyan yan ng dahon ng niyog sa magkabilang side. Hahatiin sa gitna yung isang buong dahon ng niyog at isasabit sa sasakyan. Yun ang ultimate sign na pupunta ang mga taong ito sa 'taba-taba' o kainan. Yung bagong mag-asawa, syempre mas bongga ang sasakyan niyan papuntang reception.

Pagkatapos ng seremonya sa simbahan, diretso lahat sa reception. Usually, ito rin yung lugar kung saan ginanap ang sayawan kagabi. Sa reception, madalas hiwalay ang table ng mga ninong at ninang at iba pang mga espesyal na bisita. At bukod sa bagong mag-asawa, sila ang unang hinahainan ng pagkain. Somewhere sa reception, merong isang mahabang mesa, buffet ito para sa lahat. Although, nauuso na rin ngayon ang pagkuha ng caterer kaya wala nang buffet. Lahat na ng food ay evenly distributed sa bawat table. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pa rin yung buffet. Magulo nga lang at medyo makalat, pero eat-all-you-can. ;)

Pagkatapos ng kainan, or kahit hindi pa dahil sa dami ng bisita, aabot talaga ng ilang oras ang kainan portion, magkakaroon ulit ng sayawan. Dito, hindi na masyadong nire-require ang mga kadalagahan kasi moment na ito nila Auntie, Uncle, lolo, lola at iba pang nakatatanda. Pero hindi ito exclusive sa kanila ha. Madalas lang kasi ito yung time na puro balse na at dayang-dayang ang pinapatugtog at ang mga bagets, hindi na masyadong makaeksena. Kaya nga ang moment nila ay yung bisperas.

Dito na yung first dance ng magnobyo bilang bagong mag-asawa. Dito na rin yung time na sinasabitan ng pera (papel only) ang mag-asawa habang sumasayaw. Sasayaw sila in their wedding clothes. (Later, maaring magbihis ang mag-asawa pero medyo magarbo pa rin ang suot dapat.) Exciting ito, dahil may mga pagkakataon na parang nagpapasikatan ang bawat partido. So yung partido ng babae, dun sa babae isasabit yung pera, P500, P1000 etc at ganun din sa lalake. Pero hindi yun exclusive, kahit kanino ka naman pwedeng magsabit ng pera dahil in the end, sa kanilang dalawa lang din mapupunta yun. (Again, very subtle lang itong. Maaring ako lang nakakapansin nito or active lang ang imagination ko.) Kahit pa saglit lang, malaki-laki din ang nakukuhang pera dito dahil ito yung chance nila ninong at ninang na magrequest. Pagkatapos ng kasiyahan, yung nakalap sa requests (tanghali portion) ay ibibigay pa rin sa bagong-kasal.

Popular Posts