Limang Minuto

Dali-dali akong tumayo, at sumabay sa agos ng mga tao palabas ng kwarto. Limang minutong pahinga. Kahit limang minuto lang yan, makalabas lamang sa silid na iyon.

Naglakad ako papunta sa tabing-dagat, kung saan din nagsipuntahan ang karamihan. May kakaibang kasiyahang dulot ang pagdampi ng buhangin sa aking talampakan.

Nagsimulang magkuhanan ng litrato ang iba, pero pinili kong busugin ang mata sa nakikita. Itinuon ko ang buong atensyon sa dagat. May kapayapaang dulot ang larawan ng malawak na asul na karagatan. Kahit limang minuto lang, walang ibang umo-okupa sa aking isipan kundi ang kagandahan ng kapaligiran.

Sumampa ako ako sa konkretong bakod para sa mas makita ang dagat. Pinuno ng sariwang hangin ang baga. Pagkabalik sa silid, pagkatapos ng ng limang minuto, wala na naman ang hangin na ito.

Maya-maya'y lumapit ka, pumwesto sa tabi ko. Humingang malalim habang nakatingin din sa dagat. "Ang ganda 'no," sabi mo. Hingang malalim lang din ang sagot ko.

Bigla mong hinawblot ang aking mga kamay, at umaktong itutulak ako pababa. Syempre, sinakyan ko naman ang trip mo. Humawak din ako sa mga braso mo: "Hindi mo ako kaya," sabi ko. Hindi ka bumitaw, ngunit alam kong napagtanto mong tama ako. Sinubukan mo pa rin kung kaya mo. "Mauuna kang babagsak," sabi ko. Hanggang sa ikaw na rin ang bumitaw.

Alam mo, sa totoo lang, hindi mo na ako kailangan itulak pa para mahulog. Matagal na akong nahulog. At alam ko, kahit anong gawin mo, natin, kahit kailan hindi mo ako masasalo.

Popular Posts