Sa Ulap

Hindi man lang kita nakilala.

Mahigit isang buwan na pala. Isang buwan na ang lumipas mula nung nagkatagpo ang ating landas. Higit isang buwan na, ngunit tandang-tanda ko pa kung paano ka ngumiti nung sandaling nagkasanga ang ating daan. Ilang sandaling maaaring habangbuhay kong di malilimutan.

Napakatamis ng iyong ngiti na para bang inaasahan mong magkakasalubong tayo. Naalala ko pa. Naglalaro pa sa isip ko, slow-mo.

Hindi ko inaasahang mangyayari iyon. Nakakapanghinayang na hindi ko man lang napaghandaan. Sino nga ba namang nasa lugar ko ang ang makakapaghanda. Minsan kasi, sadyang napagkakatuwaan tayo ng pagkakataon.

Ang masaklap lang talaga, hindi man lang kita nakilala. Hindi man lang tayo nagkakilala. Ewan, kung sadyang ayaw pa ng tadhana o ayaw lang talaga ng tadhana. O baka hindi itinadhana. Baka wala lang iyon, tayo’y pinaglaruan lamang ng panahon.

Maaring sa paglipas ng mga araw, unti-unti nang mabubura sa aking balintataw ang alala ng iyong mukha. Tatangayin ng mga ulap papunta sa alapaap. Ngunit sana huwag ang iyong ngiti.

Nasaan ka kaya ngayon? Naiisip mo rin kaya ako? Naiisip mo kaya iyong minsang nakasalubong mo sa Ulap. Naalala mo kaya ng tuwa sa aking mukha, nung makita ka?

Popular Posts