Baguio

It was nice seeing you again. Bye. At sa dulo ng paalam ay ngiti na hindi ko sigurado kung totoo o pilit.

Mabilis akong tumalikod at umalis upang hindi na madugtungan pa ang napakasakit na sandaling iyon. Ayokong hanggang ngayon, ako pa rin ang umiiyak.

Hindi ko inaasahang iyon ang mga huling salitang maririnig ko mula sa kanya. Sa totoo lang umasa ako ng higit pa. Pero sadyang hanggang doon na lamang. Hanggang doon na lamang talaga.

Kung alam ko lang na muling madudurog ang aking puso, sa parehong lugar, sana hindi na ako nagbalik. Bakit ko ba kasi naisip na ang lugar na babalikan ko’y iba na. Pilit kong isiniksik sa isip na sa pagbabalik kong ito’y tuluyan nang maghihilom ang sugat. Nagkamali ako. Hindi na nga naghilom, muli pang nabuksan ang sugat na pinipilit isara ng panahon.

---

Biyernes ng gabi, nasasakal ako sa kawalan ng magawa. Hindi tulad ng dati’y wala ang mga kaibigang makakapawi sa pagkainip ko. Ang iba busy, may trabaho sa gabi, may ibang lakad. Ito naman ang hirap sa namumuhay nang mag-isa, mababaliw ka talaga sa kawalan ng makausap.

Gusto kong umalis. Papunta sa ibang lugar. Sa malayong lugar.

Sa terminal ng Victory sa Sampaloc ako dinala ng aking mga talampakan. Dala ang isang lumang asul na backpack na naglalaman ng ilang pirasong damit at ilang mahalagang gamit at suot ang lumang Chucks, kupas na pantalong maong na may tastas sa bandang taas ng tuhod na nabutas nang masabit sa barbed wire kaya tinastas ko na lang para hindi halata, itim na t-shirt, khaki jacket na nakasampay sa kaliwang balikat, papasa ako bilang estudyante.

Baguio po, sabi ko sa konduktor na mabilis na inabot sa akin ang tiket pagkatapos butasan ang mga numerong dapat kong bayaran. Pagkaabot ng bayad ay isinandal ko ang ulo sa upuan. Tumingin sa bintana. At nagsimulang lumipad ang mga alaala.

Apat na taon na rin pala ang nakalipas. Mahal na mahal ko ang Baguio at hindi ko rin alam na kakayanin kong hindi bumalik doon nang ganun katagal. Ang tagal ko ring tiniis na hindi umakyat ng Baguio dahil na rin sa mga hindi magandang alaala nito. Ewan ko ba, sa dinadami-dami ng magagandang alaalang iniwan ko dito, nagawang takpan itong lahat ng isang mapait na pangyayari.

Punong-puno ako ng iba’t-ibang emosyon pagsakay sa bus. Saya, takot, kaba—ano nang meron sa Baguio ngayon? Ano’ng naghihintay sa akin doon?

Lingid sa aking kaalaman, naghihintay pala doon sa akin ang panibagong sakit.

Ang laki-laki ng Baguio, at sa dinami-dami ng tao—Pilipino at mga Koreano—siya pa talaga ang makikita mo. Wala akong balita kung nasaan na siya—kung nasa Baguio pa ba o kung saan man. Pero sinadya ko pa ring hindi puntahan ang mga lugar na pinupuntahan namin noon. Kahit sinasabi kong nakalimutan ko na ang lahat, alam kong babalik pa rin ang mga alaala kapag nasa pamilyar na lugar ka.

Pinilit kong hindi lumingon nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon, sa likuran ko mismo, habang pumipila sa coffee shop. Ilang taon na ang nagdaan, ngunit tandang-tanda ko pa rin ang tinig na iyon—ang parehong tinig na bumubulong sa akin noon na ako ang kanyang pinakamamahal, at ang parehong tinig na nagsabing hindi na niya ako mahal.

Kung maaari lamang maglaho na lang bigla sa kinatatayuan ko. Pero hindi, sabi ko sa sarili, naka-move on ka na di ba. Ang tagal na kasi. Dapat hindi ka na apektado.

Siya ang lumapit. Hindi ko alam kung nakita niya ba ako sa pila pa lang, o nung tumayo ako para kunin ang biniling kape. Pero pinuntahan niya ako sa may counter, habang kinukuha ko ang inorder kong kape.

Nagmamadali ako dahil wala na akong balak magtagal sa lugar na iyon. Para saan pa? Hindi na ako komportable na alam kong nandoon din siya. Ngunit nilapitan niya ako, nag-hi, nangumusta. Ano daw ang ginagawa ko sa Baguio, na parang pag-aari niya ito. Sino daw ang kasama ko, na parang may pakialam pa rin siya sa buhay ko. Dumadalaw lang. Wala, ako lang. Ang lungkot ng huling tatlong salitang iyon. Ngunit iyon ang katotohanan. Hindi na ako nagtanong dahil ayoko nang pahabain pa ang sandaling iyon. What a coincidence, sabi niya, na doon pa daw kami magkikita dahil dumadalaw lang din siya. Bakit nga ba doon pa, iniwasan mo rin ba ang mga lugar na pinupuntahan natin noon? Dahil ba gumagawa ka ng mga panibagong alaala na iba naman ang kasama?

Nainggit ako sa’yo. Kasi mukhang okay ka na. Well, sa ating dalawa, ako lang naman yata kasi ang nawasak.

Naiinis ako na naiinis ako sa iyo. Naiinis ako kasi apektado pa rin ako. Akala ko kasi okay na ako.

Hindi pa pala.

Ang totoo, nung marinig ko ang boses mo, halos tumalon ang puso ko. Parang nung unang beses kitang makilala. Ang totoo, nung nilapitan mo ako para kausapin, umasa ako na yayayain mo akong maglakad-lakad sa labas. Nakakainis naman ang pusong ito. Lagi na lang umaasa. Kinausap mo nga ako, kinumusta, pero naiinis ako na sobrang honest ng mga sagot ko sa mga tanong mo. At naiinis ako na hindi ko kayang magtagal sa presence mo. Naiinis ako dahil umalis ako kaagad, hindi man lang kita kinausap nang matagal. Naiinis ako dahil hindi mo man lang ako pinigilan. Tulad ng hindi ko pagpigil sa iyo nang iniwan mo ako.

Popular Posts