Ang Babae sa Palayan


Nagising siya sa kalagitnaan ng gabi. Maalinsangan. Maliwanag ang buwan nang gabing iyon. Bumangon siya sa higaan at idinako ang tingin sa katabing bintanang salamin. Akala niya nung una’y namamalikmata lamang siya o kaya’y hindi pa talaga tuluyang gising ang kaniyang diwa. Sapagka’t may naaaninang siyang anino, anino ng isang anyong tao, sa gitna ng palayan.

Hindi tumatayo, binuksan niya ang bintanang salamin upang matiyak kung pinaglalaruan lang ba siya ng kanyang mga guni-guni. Ngunit ngayo’y mas malinaw na niyang nakikita ang kanina’y malabong anino lamang. May babaeng naliligo sa gitna ng palayan!

Tumayo siya at hinanap ang kanyang salamin. Pagkasuot nito’y muli siyang lumapit sa bintana. Napakahabang itim na buhok ng babaeng nasa palayan. Tila tuwang-tuwa ito sa tubig. Malalim ang tubig sa palayan ngayong tag-ulan. Ngunit sino ang mag iisip maligo sa palayan sa dis oras ng gabi?
Dali-dali siyang lumabas ng silid at binuksan ang silid ng mga anak na babae. Naandun pareho sila Felina at Alonia na nahihimbing. Muli siyang bumalik sa silid, sumilip sa bintana. Wala na ang babaeng naliligo sa palayan.

Kinabukasan, kahit nakita mismo ng kanyang mga mata na nasa silid ang mga anak, tinanong niya pa rin sila kung lumabas ba sila nung nakaraang gabi.

Hindi, sagot ng mga anak. Bakit?

Ipagtanong rind aw sa mga kapitbahay kung meron sa kanilang nahihilig maligo sa palayan.
Nagulat ang mga anak at asawa niyang nakarinig nito. Sino naman ang maliligo sa palayan?
Kinwento niya ang kanyang nasaksikan nitong nakaraang gabi.

Kumalat sa kapitbahayan ang kwento ng animo’y sirenang naliligo sa palayan sa tapat ng bahay ni ‘Ba. Ngunit sino naman ang maniniwala dito. Sino ang maliligo sa palayan. Kahit pa napupuno ito ng tubig at nagmimistulang ilog tuwing tag-ulan, masyado pa rin itong mababaw para paliguan. At sirena? Ano’ng ginagawa ng sirena sa palayan? Ang laki-laki ng ilog, bakit hindi siya doon.

Ako mismo. Itinuring kong isa lamang iyon sa mga makukulay na kwentong madalas ikwento ni lolo sa aming mga apo niya. Kinumbinsi ko ang sarili ko na hindi iyon totoo dahil walang mga basehan para maging totoo ang kwentong iyon. Ngunit sa di ko maipaliwanag na dahilan, tuwing pumupunta ako sa bahay nina lolo, tuwing tag ulan at punong puno at nagmimistulang ilog ang palayan sa tapat ng bahay nila, may humahampas nang malalakas sa tubig. Tila ba mga malalaking isda. Sa pag-aakalang maraming isdang dalag doon, sinubukan ng mga tiyuhin kong mangisda doon pag tag ulan, ngunit bigo silang makahuli ng kahit na ano. Hiwaga pa rin sa akin kung ano iyong mga humahampas sa tubig na naririnig namin tuwing dumaadaan sa tapat ng palayan tuwing tag-ulan.

Popular Posts